2 FRONTLINERS TIMBOG SA SHABU

shabu

MAGUINDANAO – DALAWA katao na nagpakilalang mga fontliner ang inaresto ng mga ope­ratiba ng pulisya makaraang makumpiskahan ng ilang gramo ng shabu sa inilatag na checkpoint sa bahagi ng Barangay Adaon sa bayan ng Datu Anggal Midtimbang ng lalawigang ito.

Sa police report na nakarating kay Police Major Michael Tinio, hepe ng Datu Anggal Midtimbang Municipal Police Station, kinilala ang mga suspek na sina Hassan Adhin Datumanong, 34-anyos; at Mohaimin Perez Ali, 32-anyos, kapwa residente sa Brgy. Poblacion 2 sa bayan ng Parang.

Ayon sa ulat, ang mga suspek ay sakay ng ambulansiya na may plakang SGX 763 mula sa Brgy. Poblacion Talitay nang sitahin sa checkpoint nitong Linggo sa Barangay Adaon ng bayan ng Datu Anggal Midtimbang.

Ang ginawang pagsita ay dahil sa may itinapong plastic sachet ang isa sa mga suspek sa gilid ng kalsada habang nagsasagawa ng checkpoint ang pulisya.

Agad na naghinala ang mga pulis sa itinapong pakete at nang tingnan ito ay nakitang mayroong lamang shabu na may bigat na dalawang gramo.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Datu Anggal Midtimbang MPS ang dalawa at isinasailalim sa tactical interrogation. MHAR BASCO

Comments are closed.