ABOT-KAMAY na ni Filipina boxer Nesthy Petecio. ang return trip sa Olympics makaraang umabante sa women’s 57kg semifinals ng World Qualification Tournament sa Busto Arsizio, Italy nitong Linggo, Marso 10 (Lunes, Marso 11, sa Manila).
Isang silver medalist sa Tokyo Olympics, nakopo ni Petecio ang unanimous decision victory laban kay Maud van der Toorn ng Netherlands upang lumapit sa finals, na may kaakibat na ticket sa Paris.
Sa likod ng scorecards matapos ang opening salvo, sumandal si Petecio, 31, sa kanyang karanasan laban sa 18-year-old foe upang magwagi sa huling dalawang rounds at kunin ang identical 29-28 marks mula sa lahat ng limang judges.
Makakasagupa ni Petecio si Turkey’s Esra Yildiz sa semifinals sa Lunes kipkip ang pag-asang samahan si Tokyo Games bronze medalist Eumir Marcial sa Paris.
Kumakatok ang isa pang Filipino female boxer na si Aira Villegas sa Paris Olympics na gaganapin sa Hulyo ngayong taon makaraang umabante sa quarterfinals ng women’s 50kg category kasunod ng commanding win laban kay Sofie Rosshaug ng Denmark.
Ang panalo sa quarterfinals laban kay Zlatislava Chukanova ng Bulgaria sa Martes, Marso 12 (Manila time) ay magbibigay kay Villegas ng ticket sa Olympics, kung saan ang top four boxers sa women’s 50kg division ay uusad sa Paris Games.
Samantala, sa kasamaang-palad ay natapos na ang kampanya ni Carlo Paalam makaraang yumuko kay Great Britain’s Kiaran MacDonald sa last 16 ng men’s 57kg.
Gayunman ay may pag-asa pa si Paalam sa Olympics sa kanyang pagsabak sa 2nd World Qualification Tournament sa Mayo.
CLYDE MARIANO