2 UTAS, 11 KRITIKAL SA NAHULOG NA JEEP SA BANGIN

bangin

PINANGANGAMBAHANG madagdagan pa ang dalawang naunang iniulat na nasawi sa pampasaherong jeep na nahulog sa bangin sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat kahapon dahil marami sa 11 sugatan ang nasa kritikal pang kalagayan.

Sa inisyal na report ng Sultan Kudarat-PNP ay kinilala ang mga namatay na sina Jamil Ampatuan Guiampaca, 20-anyos, at Naif Pagatan Etto, 7-anyos, pawang residente ng Cotabato City.

Ayon sa report na isinumite ng Kalamansig-PNP, lulan ang mga biktima ng isang kulay berdeng  Bongo Mazda na nagmula sa Cotabato City at patungo sana ng Balut Island.

Lumitaw sa pagsisiyasat na binabagtas ng passenger jeep ang national road pero pagsapit sa  matarik na bahagi ng kalsada sa bisinidad ng Sitio Babancao, Barangay Paril, Kalamansig, Sultan Kudarat ay bigla na lamang bumigay ang preno ng sasakyan.

Pinilit ng driver na mapahinto ang sasakyan hanggang sa tuluyan nang  mawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Sammy Sedik Alimao at nagdirediretso na itong bumulusok sa bangin.

Agad namang rumes­ponde ang rescue volunteers ng Kalamansig MDRRMO at dinala sa Sultan Kudarat District Hospital ang mga sugatan habang ang iba pang pasyente ay inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City.

Nabatid na karamihan sa mga biktima ay mga estudyante na nagkayayaan na mag-swimming sa Balut Island.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Kalamansig-PNP sa naturang pangyayari. VERLIN RUIZ

Comments are closed.