PINAALALAHANAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga establisimiyento sa mga panuntunan sa 20% discount na ipinagkakaloob sa mga senior citizen at persons with disability (PWDs) sa pag-avail ng mga produkto at serbisyo.
Tinukoy ang Republic Act No. 9994 o ang “Expanded Senior Citizens Act of 2010”, sinabi ng DTI na, “in the purchase of goods and services which are on promotional discount, the senior citizen can avail of the establishment’s offered discount or the 20% discount provided herein, whichever is higher and more favorable.”
“Nais naming bigyang-diin ang salitang ginamit na ‘OR’ kasabay ng mga iba pang parirala kung saan binibigyan ang senior citizen at ang person with disability ng dalawang pagpipilian, kung alin ang magbibigay sa kanya ng mas malaking diskuwento. Maliwanag din sa naturang probisyon na hindi pinapayagan ang SC/PWD sa magkasabay na pag-avail nito,” wika ni Ronnel Abrenica, director for the Consumer Protection and Advocacy Bureau (CPAB) ng DTI.
Paliwanag pa ni Abrenica, kapag ang isang senior citizen ay isa ring PWD, maaari lamang niyang magamit ang isa sa kanyang OSCA-issued ID card at PWD ID.
Ganito rin ang panuntunan sa isang PWD na nagkataon ding senior citizen. Maaari lamang gamitin ng PWD ang isa sa kanyang PWD ID Card at Senior Citizen ID card para maka-avail ng 20% discount.
“Malugod din naming ipinaaalam na ang hindi pagpapahintulot sa ‘double discounting’ ay ipinatutupad lamang sa mga produkto at mga serbisyong nasa ilalim ng isang ‘promotion’,” dagdag pa ni Abrenica.
Comments are closed.