20% FARE DISCOUNT SA STUDES

STUDENT DISCOUNT

GANAP nang batas ang panukala ni Senador Sonny Angara na gawing permanente ang diskuwento sa pamasahe ng mga estudyante.

Ito ay makaraang pirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11314 na nag-aatas sa lahat ng pampublikong tranportasyon na  magkaloob ng 20 porsyentong fare discount sa mahigit 30 milyong estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo.

Sakop ng batas ang lahat ng transportasyon – bus, jeep, UV Express van, taxi at TNVS, gayundin ang mga eroplano, barko at tren tulad ng MRT, LRT at PNR.

“Una nating isinulong ang Student Fare Discount bill noong 2007, sa ating ikalawang termino bilang kongresista. Noon pa man, nais na nating mabigyan ng ganitong uri ng pribilehiyo ang ating mga estudyante dahil ang pamasahe ang isa sa pinakamalaki nilang gastusin,” ani Angara, isa rin sa mga awtor ng batas na lumikha sa Free College Tuition Act.

Ayon sa senador, upang walang anumang abala sa mga mag-aaral, kailangang laging bitbit nila ang  kanilang school ID o kaya  naman ay bagong enrollment form na magpapatunay na naka-enroll sila sa kasalukuyan.

Sa ilalim ng batas, wala nang pinipiling araw ang fare discount sa mga estudyante, sapagkat araw-araw na nila itong mapakikinabangan.

Ani Angara, hindi natatapos ang pagiging estudyante ng isang mag-aaral kung ito ay nakabakasyon o maging sa mga araw ng Sabado at Linggo.

Aniya, maging sa nabanggit na mga araw o holidays ay maaaring may mga gawaing pampaaralan ang mga ito tulad ng projects, researches o pag-aayos ng ­thesis na kailangan nilang lumabas ng bahay at bumiyahe.

Nakasaad pa sa nasabing batas na ang hindi lamang sakop ng fare discount ay ang mga naka-enroll sa dancing at driving schools o iyong mga nasa short-term course, at post-graduate studies tulad ng medicine, law, masters at doctorate degrees.

“Bukod sa pamasahe, isinusulong din natin ang diskuwento sa mga pang-araw-araw na gastusin ng mahihirap na mag-aaral tulad ng pagkain, gamot at school supplies,” lahad pa ng senador.

Dagdag pa ni Angara, dahil libre na ang kolehiyo, mas makaluluwag pa sa mga mahihirap na pamilya, partikular sa kanilang mga estudyante ang mga batas tulad ng institutionalized fare discount.  VICKY CERVALES