HINDI natuloy ang naunang plano ng AMA Online Education at kinuha si homegrown playmaker Reed Baclig bilang top pick sa 2020 PBA D-League Draft kahapon sa PBA Office sa Libis.
Hinugot ng Mark Herrera-mentored Titans ang hindi kilalang 5-foot-7 guard na bahagi ng grassroots program ng eskuwelahan.
Ang inaasahang No. 1 pick na si Jamie Malonzo ay bumagsak sa Marinerong Pilipino sa second, na nagbigay sa Foundation Cup runner-up ng foundational talent, sa katauhan ng 6-foot-6 high-flyer.
Ang 23-anyos na si Malonzo ay nagtapos sa Portland State bago nag-aral sa La Salle ng isang season, at naging bahagi ng Mythical Team sa nakalipas na UAAP Season 82.
Ang Marinero ang maliwanag na wagi sa draft dahil kinuha ni coach Yong Garcia ang mga standout na tulad nina Joshua Torralba at Jollo Go ng La Salle, James Spencer ng UP, Darrell Menina ng University of Cebu, at Miguel Gastador ng University of San Jose-Recoletos.
Pinili rin ng Karate Kid-CEU si Gilas pool member Jaydee Tungcab bilang third overall pick sa pagpasok nito sa bagong era sa ilalim ni coach Jeff Napa.
Bukod kay Tungcab, kabilang din sa Scorpions sina John Apacible ng UE, Jboy Gob at David Murrell ng UP, at Jerie Pingoy ng Adamson.
Lumahok ang Wangs-Letran sa draft matapos ang fourth round makaraang kunin ang school-based players sa unang apat na rounds.
Umabot sa 41 ang kabuuang bilang ng draftees mula sa 137-strong pool na umabot sa 20th round.
Labing-isa sa 12 participants sa 2020 PBA D-League Aspirants’ Cup na aarangkada sa Pebrero 13 ang school-based teams.
Comments are closed.