2022 NATIONAL BUDGET DAPAT MAS TUMUTOK SA COVID RESPONSE

NGAYONG buwan ng Setyembre, nagsisimula na ang pag-aaral para sa 2022 national budget. Nagsisimula na ang Mababang Kapulungan sa pagsusuri sa pondo ng iba’t ibang ahensiya at anumang magiging resulta ng pag-aaral ay bubusisiin naman ng Senado. At sa palagay po natin, dapat, ang aaprubahang pondo ay tutumbok sa pangangailangan ng bansa ngayong panahon ng pandemya.

Batid naman natin na wala pa ring katiyakan ang sitwasyon sa Pilipinas sa pabago-bagong pangangailangan para kahit paano ay masagot ang mga pangangailangan ngayong panahon ng krisis.

Bilang chairman ng Senate  Committee on Finance, nang pinag-aralan po natin ang nilalaman ng panukalang national budget ng administrasyon na isinumite nila sa Kongreso, nakita natin na ang budget requirements ng ilang government agencies ay hindi natugunan sa proposed budget, lalo na ang mga pondong dapat ay itutok sa COVID response.

Sa briefing ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) sa Senado kaugnay sa mahigit P5 trilyong proposed national budget for 2022 ng Department of Budget and Management (DBM), malinaw nating nakita ang kakulangan ng ilang mahahalagang probisyon tulad ng pagbabakuna sa mga bata, probisyon sa special risk allowance (SRA) para sa ating healthworkers at iba pang kritikal na hakbang laban sa COVID, lalo na’t masyadong mapanganib ang Delta variant sa ngayon.

Ngayong patuloy na dumarami ang COVID variants, patuloy rin dapat ang paggalaw ng involved agencies . Napakabilis ng pagbabgo sa ating health situation kaya dapat, makasabay rin dito ang national budget natin. Kumbaga, higitan dapat ng budget ang pangangailangan para masagot ang mga problema atin sa COVID-19 and its variants.

Kung pagbabasehan natin ang nilalaman ng Konstitusyon, malinaw na inaatasan ang Pangulo ng bansa na magsumite ng panukalang national budget sa loob ng 30 araw mula nang magbukas ang regular na sesyon sa ikatlong linggo ng Agosto taon-taon.

Inaatasan din ang iba’t ibang ahensiya na agad ding magsumite ng kani-kanilang budget proposals para mapag-aralan ng DBM ang mga ito at maihanda nang walang anumang pagkukulang bago ipadala sa Kongreso. Sa dami ng mga dokumentong kinakailangan, dapat ay umabot ang pagsusumite, bago dumating ang ikatlong linggo ng Agosto. Pero dahil nga sa sitwasyon natin ngayon, dapat ay binibigyan ng mas malawak na pagkakataon ang mga ahensiyang ito  para sumakto ang pondo nila sa mga pangangailangan para sa laban natin sa COVID.

Tungkol sa usapang bakuna, sinabi ng DBM na tanging ang pagbili ng booster shots ang kanilang naisama sa budget sa halagang P45 bilyon. Hindi naisama sa pondo ang planong pagbabakuna sa mga batang may edad 12 hanggang 17.

Ito ay dahil nitong Hunyo lamang nagpalabas ng emergency use authorization ang FDA para sa Pfizer-BioNTech vaccine para sa mga bata.

Kaugnay naman sa SRA, hindi rin naisama ng DBM ang pagpopondo rito dahil daw sa pag-expire ng Bayanihan 2. Pero ang sabi nga natin, hangga’t hindi binabawi ni Pangulong Duterte ang deklarasyon nito ng national emergency, dapat tuloy-tuloy lang ang pagkakaloob ng SRA sa ating healthworkers.

Dahil po riyan, kami ni Senator Dick Gordon ay nagsusulong ngayon ng Senate Bill 2371 na magbibigay-linaw kaungay sa pagpapatuloy ng SRA benefits sa ilalim ng Bayanihan 2. Ang pagdinig ng panukalang ‘yan ay pangungunahan po ng ating komite, ang Senate committee on Finance.

437 thoughts on “2022 NATIONAL BUDGET DAPAT MAS TUMUTOK SA COVID RESPONSE”

Comments are closed.