26 ROOKIES SWAK SA PBA SEASON 48

NASA 26 rookies, sa pangunguna ni top draft pick Stephen Holt, ang pasok sa official roster ng PBA Season 48 na magbubukas sa Nobyemre 5 sa Smart Araneta Coliseum.

Ang Converge ang koponan na may pinakamaraming rookies na may lima, hindi kasama rito si No. 10 pick Bryan Jason Andrade na nasa injured/reserve list.

Pasok sina Deschon Winston, Bryan Santos, Inand Fornilos, Patrick Maagdenberg at Kamron Vigan sa lineup ng Converge, kasama sina veterans Adrian Wong, Jerrick Balanza, Barkley Ebona, Aljun Melecio, Alec Stockton, Justin Arana, Kevin Racal, Mike Nieto, Jeo Ambohot at Keith Zaldivar.

Si Maagdenberg ay isang third-round selection ng Magnolia Hotshots subalit nanatiling unsigned habang si Vigan, naglaro ng college ball sa Bethesda U sa National Christian Collegiate Athletic Association, ay sixth-round pick.

Bukod kay Holt, pinapirma rin ng Dyip sina Tommy Olivario, Taylor Miller at Kemark Carino – apat na rookie recruits na tinapatan ng Phoenix Super LPG Fuel Masters sa pamamagitan nina Ken Tuffin, Matthew Daves, Raffy Verano at Ricci Rivero.

“We’re rebuilding again, and I think we got a fighting team,” sabi ni Terrafirma governor Bobby Rosales patungkol ss koponan na kanilang isasabak sa Season 48 na magbubukas sa pamamagitan ng import-flavored Commissioner’s Cup.

Si Olivario ay nasa koponan ni coach John Cardel na bagama’t isang fourth-round selection ay napili sa No. 36 overall.

Ipaparada naman ng NorthPort sina Cade Flores, Brent Paraiso at fourth-round pick Fran Yu.

Walang kinuha sa draft selection, ang TNT Tropang Giga ay sandaling naghintay bago nalambat sina Henry Galinato at Kim Aurin mula sa rookie free agent pool. Si Gallant ay second-round pick ng Rain or Shine habang si Aurin ay third-round selection ng Ginebra.

Pinapirma ng Rain or Shine sina Keith Datu at Sherwin Concepcion habang dalawang rookies din ang kinuha ng NLEX sa katauhan nina Richie Rodger at Dominic Fajardo.

May nag-iisang rookie signee ang Ginebra (Raphael Cu), Meralco (Brandon Matthew Bates) at San Miguel Beer (John Troy Mallilin.

Walang nadagdag sa roster ng Magnolia, ang best team sa PBA On Tour na may perfect 11-0 record.

Ang iba pang draftees na pinapirma ngunit inilagay sa reserve list ay sina NorthPort’s Zavier Lucero at Rain or Shine’s Luis Villegas.

CLYDE MARIANO