3-0 NADAGIT NG FALCONS

ADAMSON

NAPANATILI ng league leading Adamson University ang walang mantsang record makaraang padapain ang University of Santo Tomas, 79-71, sa UAAP Season 81 men’s basketball tournament kahapon sa Araneta Coliseum.

Sumirit ang Falcons sa 3-0 kartada habang bumagsak ang Tigers sa 1-2.

Lamang sa 76-69 sa huling tatlong minuto, hindi na binitiwan ng Falcons ang renda at pinalakas ang title campaign.

“They played as one. Hopefully, they would sustain the momentum as the tournament progresses,” sabi ni coach Franz Pumaren.

Gutom sa titulo ang Adamson at determinadong kunin ang ikalawang korona na naging mailap sa nakalipas na apat na dekada. Unang inangkin ng Falcons ang kampeonato noong 1977 sa ilalim ni coach Moises Urbiztondo.

Pinamunuan ni Jerrick Ahanmisi ang opensiba ng Adamson sa pagtipa ng game-high 20 points sa 6 of 12 sa charity lane at dalawang tres.

Inako ni Ahanmisi ang scoring job makaraang malimitahan si Papi Sarr sa apat na puntos sa mahigit 20 minutong paglalaro.

“I have to play my best out there because I want my team to win,” sabi ni Ahanmisi, kapatid ni Maverick Ahanmisi ng Rain or Shine.

Nag-ambag sina Vince Magbuhos ng 15 points at Jonathan Espeleta ng 12 points para sa ­Adamson na nagtala ng kabuuang  31 rebounds, 15 assists at 12 steals.

Pinilit kunin ng Growling Tigers ang panalo subalit bigo silang talunin ang high flying Falcons upang malasap  ang unang talo sa dalawang laro at biguin si bagong coach Alden Ayo.

Umiskor sina Crispin John Cansino ng 18 at Dean Marvin Lee ng 16 para sa UST, subalit ang kanilang teammates ay nalimitahan sa single digit sa mahigpit na depensa ng Adamson.       CLYDE MARIANO

Iskor:

Adamson (79) – Ahanmisi 20, Magbuhos 15, Espelata 12, Camacho 9, Bernardo 7, Lastimosa 6, Pingoy 4, Sarr 4, Catapusan 2, Colonia 0, Manganti 0, Mojica 0

UST (71) – Cansino 18, Lee 16, Akomo 8, Subido 8, Consejo 6, Huang 4, Marcos 4, Zamora 3, Lagumen 2, Mahinay 2, Caunan 0

QS: 20-13, 38-31, 58-54, 79-71

Comments are closed.