SULU– TATLONG miyembro ng Abu Sayyaf Group ang nasawi habang pitong sundalo ang nasugatan sa pagtatangkang mailigtas ang dalawang babaeng pulis na bihag ng mga bandido kahapon ng umaga sa bayan ng Patikul.
Marami ring miyembro ng ASG na nasa ilalim ng pamumuno nina ASG sub-leaders Idang Susukan at Almujer Yadah ang nasugatan nang mahagip sila ng artillery fire ng Philippine Army (PA) mula sa ground at air support na ibinigay ng MG-520 attack helicopters ng Philippine Air Force 3rd Tactical Operation Wing.
Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu, nasa rescue mission ang mga tauhan ng 21st Infantry Battalion para iligtas ang 2 babaeng pulis na hawak ng mga terorista nang makasagupa nila ang may 70 Abu Sayyaf sa Sitio Sangay, Barangay Buhanginan, Patikul bandang alas-6 ng umaga.
Pahayag pa ni Sobejana, pinangungunahan nina Idang Susukan at Almujer Yadah, na sinasabing responsable sa pagdukot kina PO2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad, kapwa miyembro ng PNP-SOCO na nakabase sa Zamboanga, ang nakalaban ng kanyang mga sundalo.
Bukod sa dalawang pulis ay binihag din ang dalawa nilang kasama na sina Jakosalem Ahamad Blas at Faizal Ahidji na una nang napabalitang pinatutubos ng P300,000 para sa kanilang kalayaan.
Ang mga napaslang na Abu Sayyaf na sina Moktar, Julhadi at Surayb ay mabilis ding itininakas ng kanilang mga kasamahan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.