CAGAYAN-MATAPOS na makapagtala ng mahigit sa 100 kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Tuguegarao, nagpasiya ang Department of Health (DOH) na mag-sagawa ng tatlong araw na mass testing na sinimulan kahapon, Nobyembre 24 hanggang sa November 26 upang maiwasan na madagdagan pa ang kaso ng nasabing virus.
Tatlong swabbers na mula sa Kalakhang Maynila ang magiging katuwang ng City Health Office (CHO)-Tuguegarao City sa isinasagawang mass testing.
Ayon Kay Regional Director Rio Magpantay ng DOH-Region II, target ng grupo na makapagtest ng 3,500 katao sa lungsod kabilang na ang mga frontliner at mga lumikas sa evacuation centers na mga residente dulot ng malawakang pagbaha sa probinsiya.
Bago sinimulan ang mass testing, nagbigay ng abiso ang CHO-Tuguegarao kasama ang Office of Civil Defense (OCD), Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang mga kawani ng LGU-Tuguegarao sa mga Brgy. Chairman sa naturang mass testing sa mga residente.
Paliwanag ni Magpantay, per batch ang gagawing testing at pangunahin nilang target ang mga residente na nakitaan na ng sintomas ng virus tulad ng ubo, sipon at lagnat.
Umaasa ang opisyal na magkakaroon ng kooperasyon ang mga barangay captain sa bawat lugar para mapagtagumpayan ang target na bilang ng mga indibidwal na isasailalim sa testing.
Samantala, maaring magsagawa ng mass testing ang grupo ng DOH sa Cauayan City at Ilagan City sa lalawigan ng Isabela kung saan mayroon ding naitalang community transmission na maaring dalawang araw sa Lungsod ng Cauayan habang isang araw naman sa Lungsod ng Ilagan. IRENE GONZALES
Comments are closed.