SULU – TATLONG kasapi ng Abu Sayyaf Group ang napaslang ng mga tauhan ng Philippine Navy-Marines sa naganap na sagupaan sa Simisa Island sa Banguigui.
Ayon kay Col. Gerry Besana , AFP Westmincom Spokesman, nakasagupa ng Phil. Marine Battalion Landing Team 3 ang isang grupo ng bandido sa ilalim ng pamumuno ni ASG sub leader Najir Arik sa Simisa Island.
Tumagal ng ilang minuto ang bakbakan na nagresulta sa kamatayan ng tatlong bandido habang wala namang nasugatan sa panig ng military.
Agad ding tumakas ang nalalabing terorista kaya nagpapatuloy pa rin ang habulan sa kabundukang bahagi ng nasabing bayan.
Kahapon bandang alas-8:30 ng umaga, nasabat naman ng mga humahabol na tauhan ng Marine Battalion Landing Team 1 ang mga tumatakas na bandido hindi kalayuan sa pinangyarihan ng unang sagupaan.
Tumagal na may 20 minuto ang palitan ng putok, kasalukuyang nagsasagawa ng clearing operation ang mga sundalo upang madetermina kung nadagdagan pa ang naunang tatlong nasawi sa teroristang grupo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.