CALOOCAN CITY – NASAMSAM ang mahigit sa P130,000 halaga ng shabu sa tatlong hinihinalang drug pusher kabilang ang isang 16-anyos na dalagita na na-rescue sa buy bust operation ng pulisya sa lungsod na ito.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Noel Flores ang mga naaresto na sina Christopher Cristobal, alyas “Toper”, 24, ng Phase 1, Palmera Homes Spring, Percy Alvarez, 43, ng MBHNAI Brgy. 178, Camarin, at ang isang menor na si alyas “Princess”.
Natimbog ang mga suspek sa drug buy bust operation ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Capt. John David Chua dakong alas-9 ng gabi sa kahabaan ng Pechayan, Brgy. 178, Camarin.
Dalawang undercover police na nagpanggap bilang buyers ang nagawang makabili ng isang medium plastic sachet ng shabu kay Cristobal at Princess kapalit ng P7,500 marked money kabilang ang tunay na P500.
Nakumpiska kay Cristobal at Princess ang apat na medium size plastic sachets na nasa 20 gramo at may standard drug price na P136,000 habang ang isang caliber .22 magnum revolver na kargado ng apat na bala ay nakuha kay Alvarez. EVELYN GARCIA
Comments are closed.