NAVOTAS CITY – TATLONG hinihinalang sangkot sa ilegal na droga kabilang ang magkapatid, ang arestado matapos makuhanan ng shabu at mga baril sa Oplan Galugad ng mga pulis kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Navotas Police Chief Col. Rolando Balasabas ang mga naarestong suspek na sina Emmanuel Monroy alyas “Emman”, 29, labas pasok sa kulungan; Jhofel Quimbo alyas “Fhel”, 31, food server; at kapatid nitong si Jonalyn Quimbo alyas “Bibe”, 30.
Ayon kay Col. Balasabas, alas-4:30 ng hapon, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 4 sa pangunguna ni PLT Arnold San Juan sa Market 1, Fish Port, Brgy. NBBS Proper nang mapansin ng mga suspek na nag-aabutan ng plastic ice bag ang mga suspek.
Nang mapansin ng mga suspek ang presensiya ng mga pulis, nagtakbuhan ang mga ito na naging dahilan upang magkaroon ng habulan hanggang sa makorner ang mga ito.
Sinabi ni police investigator PCpl Eldefonso Torio, nakumpiska sa mga suspek ang walong plastic ice bag na naglalaman ng hindi pa mabatid na rami at halaga ng hinihinalang shabu, isang cal. 45 baril na kargado ng magazine at anim na bala, at isang improvised 12 gauge shot gun na kargado ng isang bala.
Inaalam na ng pulisya kung saan kinukuha ng mga suspek ang narekober na ilegal na droga sa kanila. VICK TANES/EVE GARCIA