MASBATE- HINDI nakaligtas ang tatlong mangingisda makaraang hagisan ng dinamita habang sumisisid sa karagatang sakop ng Danao, Balud.
Ayon sa natanggap na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) headquarters mula sa PCG Sub-Station Calumpang, nangingisda umano ang limang mangingisda sakay ng motorbanca na ‘Chinchin’.
Apat sa kanila ang sumisid habang ang isa ay nagsilbing bantay sa kanilang banca.
Habang nasa kalagitnaan ng pangingisda ay isang kulay puting motorbanca naman ang dumating at umano’y naghagis ng dinamita sa mga biktima.
Dahil sa malakas na pagsabog, tatlo sa apat na mangingisda ang malubhang nasugatan.
Mabilis ding iniwan ng mga suspek ang baybayin matapos hagisan ng dinamita ang mga biktima.
Agad namang nagpasaklolo ang ibang kasamahan ng mga sugatan sa kalapit na lugar upang dalhin sa Balud Municipal Hospital ang sugatan nilang mga kasamahan.
Gayunman, ang mga biktima na nakilalang sina Arthur Villaruel, Lito Salvana at Rosel Reyes ay idineklarang dead on arrival.
Nakilala naman ang isa pang sumisid na hindi nasugatan na si Noli Almoguera, habang ang nakabantay naman sa kanilang bangka ay nakilalang si Jomar Dela Cruz.
Hindi rin nagkaroon ng pinsala ang bangka na nakadaong ngayon sa Barangay Poblacion, Balud, Masbate at masa kustodiya ng Balud Police Station para sa safekeeping habang iniimbestigahan ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa paghagis ng dinamita. PAUL ROLDAN
Comments are closed.