(3 patay, 1 nawawala) BONDING NG PAMILYA NAUWI SA TRAHEDYA

ZAMBALES – TATLO ang nasawi habang isa pa ang patuloy na hinahanap matapos malunod sa dagat ang isang magkakapamilya nitong Sabado umaga sa bayan Botolan.

Sa ulat mula Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, kinilala ang tatlong nasawing na sina Rialyn Rosales, 17-anyos; Reynaldo Santiago 60-anyos at Donna Santiago, 36-anyos na naisugod pa sa pagamutan subalit kalaunan ay binawian din ng buhay.

Pinaghahanap naman ng mga rescuers ang 13-anyos na si Rayn Santiago.

Ayon kay Botolan MDRRMO Team Leader Andy Divino, pawang mga residente ng Bulacan ang mga biktima na dumayo para magbonding at maligo sa isang “open sea beach” na pampublikong lugar.

Pero dahil sa malakas na alon ng dagat dala ng masamang lagay ng panahon ay natangay ang mga biktima sa malalim na bahagi ng dagat hanggang sa malunod.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa rin ang search and retrieval operations ng mga awtoridad sa nawawalang binatilyo. ROEL TARAYAO