SULU – PATAY ang tatlo katao na kinabibilangan ng isang pamilya habang dalawang bumbero ang sugatan matapos lamunin ng apoy ang isang dalawang palapag na commercial building sa Jolo nitong madaling araw ng Martes.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, itinaas sa second alarm ang sunog at naapula pagkaraan ng halos isang oras.
Sinabi ng mga awtoridad na posibleng na-trap sa loob ng gusali ang mag-asawa at ang kanilang 13-anyos na anak na nangungupahan sa ikalawang palapag ng gusali na namatay dahil sa suffocation.
“Actually, ang sabi sa amin, yung lalaki at yung asawa (nakalabas) na sila. Tapos, yung anak naiwanan nila sa loob. Yun ang binalikan. Di na sila nakabalik kaagad, parang na-suffocate,” ani BFP-Jolo Acting Fire Marshall SFO4 Abdulyakin Jamaluddin.
Gayundin, isa sa dalawang sugatang bumbero ay dinala sa isang ospital sa Zamboanga City matapos magtamo ng mga pinsala sa ulo.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng sunog kung saan umabot sa P400,000 ang pinsala sa ari-arian.
EVELYN GARCIA