HONG KONG – TINULUNGAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang tatlong Filipinong call center agents na kasalukuyang nakakulong sa Hong Kong na sangkot daw sa isang bank scam.
Ayon kay Consul General Antonio Morales, nagbibigay ang Philippine Consulate General sa Hong Kong ng suporta at legal aid sa tatlong Filipino.
Nabatid na sinentensiyahan ang tatlo ng limang buwang pagkakakulong magmula noong Pebrero 18.
Ito ay matapos na matukoy na ang kanilang “free Hong Kong tour” ay maituturing umano na scam para magbukas ng mga bank account gamit ang mga pinekeng dokumento.
Ayon kay Morales, inaasahang makakalaya ang mga Filipinong ito sa Marso matapos na bawasan ang kanilang sentensya matapos na mag-plead guilty sa dalawang bilang ng “paggamit ng false instrument” sa Eastern Magistrates Courts. PILIPINO Mirror Reportorial Team