MAYNILA – BUNSOD ng kasagsagan ng ulan ay nakahakot pa ng tatlong truck ng basura ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang isinagawang clean-up drive kahapon ng umaga sa Estero de Magdalena.
Ayon kay MMDA supervising operations officer na si Bong Nebrija, ang patuloy na paglilinis ng kanilang ahensiya sa naturang estero ay upang maibsan ang idinudulot na pagtaas ng tubig kung saan katuwang din nila ang ilang local government unit (LGU) kabilang ang mga opisyal ng barangay sa lugar.
Dagdag pa ni Nebrija, kaugnay sa kanilang isinasagawang hakbangin ay ang pagpapaigting ng “estero blitz program” ng MMDA para maibsan aniya ang pagbaha sa Metro Manila kapag sumasapit ang tag-ulan, na isa sa nagiging sanhi ng matinding trapik sa ilang kalsada.
Kaugnay rin nito, nanawagan naman si MMDA parkway clearing group head Francis Martinez sa mga mga bagong halal na opisyales ng barangay na magtalaga ng mga magbabantay sa estero upang mapangalagaan at mapanatili ang kalinisan ng naturang ilog kontra sa mga pasaway na walang habas na nagtatapon ng basura dito.
“Panawagan sa mga newly-elected barangay officials na mag-focus din na bantayan ‘yung mga creek natin para maiwasan ang magtapon ng basura,” ani Martinez.
Pinaalalahanan din ni Martinez ang mga opisyal ng barangay sa naturang lugar na maaari silang sampahan ng kaso kapag hindi nila namantina nang maayos ang kalinisan sa kanilang nasasakupan lalo na sa mga creek sa kanilang lugar. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.