300 STRANDED DINALA SA VILLAMOR SCHOOL

Villamor Airbase Elementary School

MASUSING binabantayan ng mga tauhan ng  Philippine National Police (PNP) ang tinata­yang 300 Locally Stranded Individuals (LSIs) sa loob ng Villamor Airbase Elementary School habang naghihintay ng kanilang mga flight pauwi sa kanilang mga probinsiya.

Ang nasabing bilang ng LSIs ay ang nag-okupa sa ilalim ng Skyway bridge sa tapat ng  Ninoy Aquino International Airport [NAIA] terminal 3 habang naghihintay  ng libreng eroplano upang makauwi sa kani-kanilang lugar sa Kabisayaan.

Ayon kay Department of Transportation Assistant Secretary Eymard Eje, ang 300 LSIs ay dinala ng apat na bus ng Philippine Coast Guard (PCG) sa naturang eskuwelahan  para pansamantalang manatili roon habang wala pang mga available flight.

Sinabi pa ni Eje na  lahat ng mga ito ay isinailalim sa COVID-19 rapid testing, at ang mga nag-negative ay mananatili sa Villam-or Airbase Elementary School habang ang mga nagpositibo  ay dadalhin sa quarantine facilities para ma gamot.

Bibigyan ng health certificates ang mga nagnegatibo bago payagang makauwi sa kanilang lugar sa Visayas at Mindanao.

Samantala, daang-daang overseas Filipino workers (OFWs) na may confirmed tickets ang kasalukuyang stranded sa NAIA terminal 2, 3 at 4 mula pa noong nakaraang linggo  bunsod ng pagka-kansela ng kanilang mga flight.

Ito ay may kinalaman sa restriction na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan sa kanilang mga lugar.

Napag-alaman na karamihan sa mga ito ay ayaw nang umalis sa airport sa takot sa napabalita na bagong lockdown na maaring mangyari sa Metro Manila.

Karamihan ay natutulog na lamang sa mga  upuan sa loob at labas ng terminals, at ang iba ay nasa curbside ng paliparan habang naghihintay ng naghihintay ng flight.

Kaugnay nito nagbabala si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal sa mga pasahero na iwasang magtungo sa  NAIA nang walang confirmed domestic flights, sapagkat hindi sila makakapasok sa loob ng terminals. FROI MORALLOS