336 OFWS MULA KUWAIT  NAKAUWI NA

MAY kabuuang 336 overseas Filipino workers (OFWs) ang dumating sa bansa mula Kuwait nitong Linggo, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa isang post sa Facebook, sinabi ng DOLE na ang mga OFW ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 dakong alas-10:30 ng umaga.

“Ngayon po ang unang araw ng ating Pamasko at Bagong Taong salubong sa mga nanunumbalik na OFW. Kayo po ang kauna-unahan nating sasalubungin,” wika ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac.

Sa kanilang pagdating, ang mga OFW ay tumanggap ng pasalubong at cash gifts mula sa DOLE at  OWWA.

Ang mass repatriation flight mula sa Kuwait ay bahagi ng “Pamaskong Handog sa OFW” program ng DOLE at OWWA.