TATLUMPU’T apat na Pinoy na na-stranded sa Sudan ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas noong Martes ng gabi.
Kabilang sa repatriates ang ilang Islamic scholars.
Ang unang batch ng repatriates mula Sudan, na kinabibilangan ng 17 Pinoy, ay dumating sa Manila noong Sabado.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dalawang grupo pa ang inaasahang darating sa bansa sa Huwebes habang 188 pang Pinoy ang pauuwiin via chartered flights.
Nasa 104 iba pa ang inaasahan ding uuwi sa susunod na linggo.
“Sa panahon ng kaguluhan, mayroong mga pinagdadaanang mga proseso kahit na…dahil ang Egypt ay nag-iingat din sa pumapasok sa kanilang bansa,” sabi ni Foreign Affairs Undersecretary Anthony Morales.
“Medyo ang iba naman po ay walang visa talaga sa pagtawid sa Egypt dahil sa Sudan lang sila. May proseso pong dinaanan at hindi talaga makapasok agad ang ating Embassy,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMP) na iwe-welcome nila ang ikalawang batch ng Islamic scholars at bibigyan sila ng hotel accommodation.
“Ang opisina namin ay nagpapasalamat sa lahat ng ahensiya na nakipag-ugnayan sa amin. Sa lahat ng opisina lalong-lalo na ang DFA para marescue ang ating repatriated Islamic scholars,” sabi ni NCMP-NCR Division chief Junainah Nuska.