(4-5% target para sa 2021 inaasahang malalagpasan) PH ECONOMY LALAGO PA

KUMPIYANSA ang National Economic and Development Authority (NEDA) na lalago ang ekonomiya ng bansa na mas mataas pa sa target band ng pamahalaan para sa buong taong 2021.

“We think, we will meet the target of between 4 and 5%, actually high end of the target. Pero ang inaasahan namin na mas tataas pa sana sa 5%. Nakikita naman natin na patuloy ang recovery natin nitong fourth quarter,” wika ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon sa Laging Handa briefing.

Ang ekonomiya ng bansa ay lumago ng 7.1% sa third quarter, isang reversal mula sa contraction na 11.4% sa kaparehong panahon noong nakaraang taon bagama’t mas mababa kumpara sa 12% growth na naitala sa second quarter ng 2021.

Year-to-date, ang gross domestic ptoduct (GDP) ng bansa ay lumago ng 4.9%, na nasa upper end ng binabaang target band ng pamahalaan na 4% hanggang 5% para sa buong 2021.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang ekonomiya ng bansa ay kailangang lumago ng 5.3% sa fourth quarter ng taon para matamo ang upper end ng full-year growth goal ng pamahalaan.

Dahil sa pinabilis na vaccination rollout at sa pagluwag pa ng restrictions sa huling quarter ng taon, sinabi ni Edillon na sigurado nang maaabot ang 4% hanggang 5% GDP growth target.

“[A]nd pwede pa natin malagpasan ‘yang target na ‘yan,” aniya.

Sinabi pa niya na kung malalagpasan ng economic growth ang target ng pamahalaan para sa 2021,  ang ekonomiya ay maaaring bumalik sa pre-pandemic levels sa first quarter ng 2022.