4 BIFF NASAWI SA CHECKPOINT

patay

MAGUINDANAO-APAT na sinasabing kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) ang napatay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa isang checkpoint sa lalawigang ito.

Sinasabing nanlaban ang apat na terorista na kinilalang sina Rahib Lumenda Esmail, Prati Kuludan, Arsad Ukom Utto at Aliofmer Talimbu, pawang miyembro ng Karialan faction ng BIFF na pinamumunuan ni Kumander Ustadz Karialan.

Sa ulat na ibinahagi ni Maguindanao police provincial director Col. Arnold Santiago, sakay ang apat ng isang Suzuki multicab na may plakang MAK-9062 sa Brgy Timbangan, Shariff Aguak, Maguindanao at pagdating ng mga ito sa PNP checkpoint ay hinarang sila at tinanong kung bakit may mga kargada silang mataas na kalibre ng baril.

Nagpakilala ang mga suspek na mga tauhan ni Maguindanao Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) chief, Major Edwin Tabora subalit walang maipakitang ID at dokumento sa kanilang mga dalang armas.

Dahil dito, agad na nagpaputok ang mga suspek na naging daan para gumanti ang mga pulis.

Makaraan ang ilang sandali, tumambad ang mga duguang suspek na agad na itinakbo sa Maguin­danao Provincial Hospital subalit idinekla­rang dead on arrival ang mga ito.

Gayunpaman, kinumpirma ni Tabora na hindi niya tauhan ang mga suspek na miyembro umano ng BIFF na sangkot din sa illegal drug trade sa Maguindanao. VERLIN RUIZ

Comments are closed.