4 NA PARAAN NA PUWEDENG GAWIN PARA MAPANATILING POSITIBO ANG PANANAW SA BAWAT ARAW

May Trabaho logo

KUMUSTA po kayo? Halos walong buwan na po mula nang magsimula ang mga ipinatupad na lockdown sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Marami sa atin ang naapektuhan, nawalan ng trabaho, nagsara ang negosyo, nawalan ng mahal sa buhay dahil sa CO­VID, at ngayon, sa mga sunod-sunod na bagyo na pumapasok sa ating bansa. Dahil sa pandemya, marami sa atin ang nakaluhod na, dahil sa iba pang kalamidad, ang iba gumagapang na. Ang tanong ng karamihan, paano nga ba tayo makababangon kung hindi pa halos tayo nakakatayo, may kasunod na ulit na hagupit? Paano nga ba?

Bawat linggo, may mga itatampok na “segment” ang kolum na ito upang makatulong sa inyo, sa “Trabaho Bulletin”maglalathala tayo ng mga job opening, sa “Kumikitang Kabuhayan” huhugot tayo ng inspirasyon sa mga kuwento ng mga taong sumubok sa negosyo at nagtagumpay, paano nila ito ginawa, ano ang mga pagsubok na kinailangan nilang lagpasan atbp, sa “Natatanging Kawani”, itatampok natin ang mga ordinaryong manggagawa na karapat- dapat nating tularan dahil sa natatangi nilang pagganap sa kanilang trabaho, at sa “Tips ni GM”ay ang mga panukala ng inyong lingkod upang maharap natin nang matagumpay ang ating mga issue at concern na karaniwan nating hinaharap sa ating pagtatrabaho at pagnenegosyo. Makaaasa kayo na pag-uusapan natin ang mga mga napapanahon at makabuluhang paksa tungkol sa trabaho at negosyo, sa kolum na ito.

At dahil ngayon ang unang linggo natin, Mag- Tips ni GM tayo… pag-usapan natin ang ilan sa mga bagay na puwede nating gawin upang manatiling positibo ang ating pananaw sa gitna ng mga hindi kagandahang pangyayari na ating pinagdadaanan. Naririto:

1. KONTROLIN ANG MGA IMPORMASYON NA IYONG TINATANGGAP. Kung lahat ng ating nababasa, naririnig at nakikita, lalong-lalo na ang mga negatibong pangyayari ay ating ipoproseso sa ating kaisipan, lalamunin nito anuman ang pag-asa na mayroon tayo sa ating puso. Matatakot na tayong harapin ang bukas dahil sa kamalayan natin sa kung ano talaga ang mga kasamaan na mayroon ang ating mundo. Bagaman at nakatutulong na mulat tayo sa mga nangyayari sa ating paligid, kadalsan, ang mga negatibong pangyayari ay nakaaapekto naman sa ating mga disposisyon sa buhay. At kung ikaw ang klase na madaling matinag, kailangan mong maingatan ang iyong sarili sa mga impormasyong hindi makatutulong sa iyo. ‘Wag nating kalimutan na hawak natin ang kapangyarihan sa pagpili sa kung ano lamang ang mga impormasyon na gusto nating iproseso sa ating kaisipan, let us use our own “filtering power” dahil lahat tayo ay binigyan ng Dios ng kakayanan na gawin ‘yun.

2. KILALANIN ANG SARILI. Ano ang mga bagay na kapag ginagawa mo, gumagaan ang iyong pakiramdam? Ang pag-aalaga ba ng halaman ay nagbibigay sa iyo ng kasiyahan? Ang pakikipag-usap ba sa mga kaibigan ay nagpapagaan ng iyong pinapasan? Ipagpatuloy ito. Katulad ng iwasan naman ang mga bagay na nagdadagdag lamang ng bigat ng iyong kalooban. Tandaan, walang ibang mag-aalaga sa ating sarili kundi tayo, hindi natin puwedeng isisi sa sitwasyon o sa kung sinuman ang ating mga kabiguan dahil kung anuman ang ating kalagayan sa ngayon, may bahagi tayo kaya nangyayari ito. Kung kilala natin ang ating sarili, iiwasan natin ang mga bagay na alam nating magdudulot lamang ng pighati rito.

3. MAGING MAPAGPASALAMATIN. Buhay ka pa, humihinga ka pa, ibig sabihin, mapalad ka. Maraming mga tao ang hindi na nagising pa ngayong araw, marami ang nasa ospital at nangangarap na sana, nagagawa nila ang iyong nagagawa. Gaano man sa palagay mo kahirap ang iyong sitwasyon, piliing tingnan, gaano man ito kaliit, ang mga positibong bagay na nangyayari at mayroon ka sa iyong buhay. Kasama riyan ang hininga na mayroon ka, ang buhay na iyong taglay ay higit para ikaw ay magpasala-mat. Ang pagkakataon na patuloy na masilayan ang ating mga mahal sa buhay, panahon upang masundan ang ating mga pangarap, and the opportunity to make a difference sa mundong ito in our own little ways, is a chance not given to many. Life is a gift and every moment of it, is worth celebrating.

4. MANALANGIN. Somebody is bigger than you and I. Kahit na hindi ka naniniwala na may Diyos, hindi noon binabago ang katotohanan na He exists and He is for real. At gusto mo man o hindi, kailangan mo Siya upang panatilihin kang nakatayo at nagpapatuloy sa buhay. Bakit? DAHIL mas magaan tahakin ang mundong ito kung alam nating may kasama tayo, let’s face it, kung tayo lang, limitado ang ating magagawa. At mas malakas ang loob natin na magpatuloy, kung alam natin na ang kasama nating ito, ay higit at mas makapangyarihan sa atin at handang umagapay at tumulong sa atin sa lahat ng panahon, at pagkakataon. Oo, mahirap ang buhay, ngayon at maaating sa mga susunod pang panahon, subalit hindi nito binabago ang pag-ibig ng Diyos para sa atin, at hindi ito nangangahulugan na ang buhay ay kailangang mag-isa nating balikatin. There is hope in Christ.

Ayan, apat na paraan na puwede nating gawin upang panatilihing positibo ang ating pananaw sa bawat araw, sana po ay ma-katulong ito sa inyo. Hanggang sa muli. God bless your heart.

Proverbs 3:5-6

Trust in the LORD with all your heart and lean not on your own understanding;6in all your ways acknowledge Him, and He will make your paths straight.…



 Si Glady Mabini ay isang Broadcast Journalist at Motivational Speaker na may iba’t ibang programa sa Radyo. Ang mga programang ito ay puwede rin ninyong masundan sa kanyang Youtube Channel na Glady Mabini. Para sa mga paksa na gusto ninyong kanyang matalakay sa kolum na ito, ipadala lamang sa kanyang official FB page: Glady Mabini.

Comments are closed.