NANG dahil sa negosyong kwek-kwek at iba pang pagkain sa kalye ay nagawang maitawid ng mag-asawa ang kanilang pitong anak sa pandemyang dulot ng COVID-19 kasunod pa ang pagpapaaral ng apat na kolehiyo.
Sa kuwento ng inang si Rowela Globaider na taga-Mandaluyong, 44-anyos na 20 taon na silang mag-asawa na naghahanapbuhay sa negosyong kwek-kwek.
Kabilang sa itinitinda ng mag-asawa bukod sa pambansang kwek-kwek, fish ball, squid ball, kikiam, hotdog, cheesedog, mineral water. Softdrinks, yosi at ilang mga biskwit at kendi.
Kuwento pa ni Rowela nagsimula lamang sila sa puhunang sampung libo na cart pa yun at araw-araw ay naghahanda sila ng tatlong libong piso na puhunan para sa kanilang paninda.
At dahil sa kanilang pagtitiyaga, sinabi ni Rowela na nakaipon silang mag-asawa bukod pa sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ngunit, hinamon sila ng pandemyang dulot ng COVID-19 dahilan upang ang kanilang ipon ay unti-unti nilang mahugot hanggang isang araw ito ay nasaid at naubos.
Nawalan kasi sila ng kita o hanapbuhay noon dahil sa mga restriksiyon na ipinatupad ng pamahalaan at wala nang mga bukas na opisina lalo na’t work from home na ang lahat.
Laking pasasalamat naman ni Rowela na mayroong mga kamag-anak ang nagpaabot ng tulong at maging ng kanilang mga malalapit na customer o suki na sa tagal nilang pagtitinda sa kalye.
Matatagpuan ang puwesto ng mag-asawa sa isang kalye sa harapan ng building sa Greenhils San Juan dahil ang kanilang mga customer ay nag-oopisina.
Dalawangput apat na taong gulang na ang panganay ni Rowela at pitong taong gulang naman ang kanyang bunso.
Nagsisimulang magtinda ang mag-asawa ng ala-1 ng hapon at nagsasara ng ala-5 ng hapon kaya mayroon pa rin silang sapat na oras at panahon para sa mga anak.
Aminado naman si Rowela na nakakapagod dahil nakatira sila sa Mandaluyong at ang kanilang puwesto ay nasa Greenhills, San Juan bukod pa. Ang paggising sa madaling araw para mamalengke ng paninda at maghanda ng pagkain ng kanilang mga iiwang anak sa kanilang tahanan.
Aminado naman si Rowela na sa kanilang pagtitiyagang magtindang mag-asawa ay kumikita sila ng isang libong piso sa isang araw na kung sinusuwerte pa ay lumalampas pa dito.
Nakakawala ng pagod dahil palaging ubos ang kanilang mga paninda at laging busog naman ang kanilang mga customer.
Ibinahagi pa ni Rowela na kung minsan ay walong daang piso kada araw ang kanilang kinikita na sapat naman para sa pangangailangan ng pamilya.
Ipinagmalaki namang ibinahagi ni Rowela ang pagkakaroon nilang mag-asawa ng dalawang puwesto na halos magkalapit lang naman.
Dahil dito, tig-isa na sila ng puwesto ng kanyang asawa at nadagdagan pa ang kanilang kita para sa araw-araw.
Tuwang-tuwa din si Rowela na bagaman maliit ang kanilang negosyo at mababang kita ay mayroon silang pinaaaral na apat na sa Kolehiyo.
Dalawa sa kanyang anak ang kumukuha ng kursong guro, ang isa ay accountancy at ang isa naman ay nursing.
Aniya, tatlo sa anak niyang nasa kolehiyo ay nag-aaral sa mga pampublikong paaralan samantalang ang isa naman ay mayroong konting bayad.
Ngunit balewala ang anumang bayad o gastusin para lalong higit silang magsumikap sa buhay at maghanapbuhay matiyak lamang na makapagtapos ang kanilang mga anak.
At ang iba pang anak nila ay nag-aaral sa elementarya at sekondarya ng pampublikong mga paaralan para masigurong makapagtapos ang kanyang lahat ng mga anak sa pag-aaral.
Umaasa si Rowela na isang araw ay makakaahon din sila sa hamon ng buhay sa sandaling makapagtapos na ng pag-aaral ang lahat ng kanyang mga anak. Naibahagi rin ni Rowela na sa uri ng kanilang negosyo ay mas marami oras ang naibibigay sa pamilya. CRISPIN RIZAL