4 TIMBOG SA BARIL AT SHABU

shabu at baril

CALOOCAN CITY – ARESTADO ang apat na hinihinalang gunrunner at drug pushers kabilang ang magkapatid at isang babae sa buy bust operation ng mga awtoridad kamakalawa ng gabi.

Ayon kay District Special Ope­ration Unit (DSOU) Head PCI Angelo Nicolas, alas-8:30 ng gabi nang maaresto ng mga operatiba ng DSOU at Northern Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang magkapatid na sina Marlon Ramat, 30, at Mark Anthony, 32, matapos magbenta ng isang cal. 38 revolver na nagkakahalaga sa P3,000 sa undercover police na nagpanggap na buyer malapit sa kanilang bahay sa kapuwa ng 88 D. Arella-no St., Brgy. 133, Bagong Barrio.

Nang kapkapan, narekober sa mga suspek ang dalawang plastic packs na naglalaman ng 12 gramo ng shabu na nasa P25,000 street value ang halaga at buy bust money.

Sa interogasyon, inginuso ng mga suspek ang kanila umanong supplier ng baril na naging dahilan upang magkasa ng follow-up buy bust operation ang mga awtoridad sa Bagong Barrio, Brgy. 136 dakong alas-9:30 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto kay Laurence Ang, 36, ng 77 D. Arellano St. Brgy. 133 at Laarnie Bañez, 36, ng 7 P. Gomez St., Brgy. 154.

Narekober ng pulisya sa mga suspek ang isang 12-gauge shotgun, P3,000 marked money na ginamit sa buy bust at dalawang plastic packs na naglalaman ng 22.5 gramo ng shabu na nasa P45,000 street value ang halaga.

Sinampahan ng pulisya ang mga naarestong suspek ng kasong paglabag sa R.A 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act in relation to Omnibus Election Code at R.A 9165 o the Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office.    EVELYN GARCIA

Comments are closed.