409 PINOY MULA SUDAN NASA SAFE ZONE NA

Sudan

AABOT na sa 409 Pinoy ang nailikas mula sa Khartoum, Sudan at ngayon ay nasa safe zone na sa hangganan ng Egypt.

Una nang sinabi ni Pangulong Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sasamantalahin nila ang tatlong araw na tigil-putukan para mailigtas ang mga kababayang Pilipino roon.

Sa datos na hawak ng Malacañang, sa kabuuang bilang, nasa 335 overseas Filipino workers (OFWs) at miyembro ng pamilya ang umalis sa Khartoum, ang kabisera ng Sudan, noong Abril 26 patungong Egypt sa pamamagitan ng Wadi Halfa Highway.

Ligtas na inilikas sa Egypt ang 35 OFWs at 15 estudyante sa tulong ng mga Pilipino sa Sudan, gayundin ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers (DMW).

Kasalukuyang nasa Cairo, Egypt sina DMW Secretary Susan Ople at Undersecretary Hans Leo Cacdac para tumulong sa evacuation efforts ng gobyerno at pamunuan ang pamamahagi ng welfare assistance sa mga lumikas na OFWs mula sa Sudan.

Sa isang briefing noong Martes, sinabi ng DMW chief na inatasan sila ni Pangulong Marcos na mabilis na dalhin ang lahat ng apektadong Pilipino sa Sudan sa kaligtasan at nagpahayag ng katiyakan na ang mga walang pasaporte o identity card ay bibigyan pa rin ng tulong, aalagaan pagdating nila sa hangganan, kung saan nangunguna ang Department of Foreign Affairs (DFA).

Habang nangunguna sa mga pagsisikap sa paglikas, gayunpaman, ang Ambassador ng Pilipinas sa Egypt na si Ezzedin Tago at si Vice Consul Bojer Capati ay naaksidente sa sasakyan habang nagmamadaling makarating sa hangganan ng Sudan-Egypt upang tulungan ang mga Pilipinong evacuees.

Ligtas naman ang dalawang opisyal at patuloy pa rin ang pagpapadali sa paglikas.

Ang Philippine Embassy sa Egypt ay may hurisdiksyon sa mga Pilipino sa Sudan.

Samantala, ang Department of National Defense (DND) ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya upang matugunan ang mga agarang pangangailangan ng mga Pilipinong naghahanap ng repatriation.

Sinabi ni Senior Undersecretary Carlito Galvez, DND officer-in-charge, na nakipag-coordinate na siya sa DFA para sa repositioning ng Defense Attaché mula sa United Arab Emirates at Israel para tulungan ang Philippine Embassy sa Cairo sa paglikas ng mga Pilipino mula sa Sudan.

Mula nang sumiklab ang karahasan 11 araw na ang nakararaan, 459 na pagkamatay at 4,072 nasugatan ang naiulat, na may babala ang World Health Organization (WHO) ng “malaking biological na panganib” sa mga tao habang ang paramilitary na Rapid Support Forces (RSF) ng Sudan ay kinuha sa Pambansang Public Health Laboratory sa Khartoum.

Itinaas ng DFA noong Miyerkoles ng gabi ang Alert Level 3 sa Sudan sa gitna ng patuloy na krisis sa politika na pinalala ng sagupaan sa pagitan ng dalawang naglalabanang paksyon na sumiklab sa naturang bansa noong Abril 15.

EVELYN QUIROZ