45-YEAR OLD TESDA GRADUATE, HILOT WELLNESS MASSAGE THERAPY TRAINER NA

“’Di ba iyon nga ang sinasabi ng TESDA— ‘di namimili ng edad o kung ano ang natapos mo,” ani Yorlin S. Codillo, 47 taong gulang na Hilot Wellness Massage NC II trainer mula sa Bawa, Bicol.

Yorlin Sinfuego CodilloSi Yorlin Codillo ay nagsimulang mag-training sa Camarines Sur Institute of Fisheries and Marine Sciences ng Hilot Wellness Massage NC II at Massage Therapy NC II sa Kolping Society Philippines, Inc. (KSPI) noong 2017 sa kabila ng kanyang edad na 45 taong gulang. 21 taon siyang naging isang simpleng may bahay bago siya nag-enroll sa mga nasabing kurso.

Bilang isang butihing asawa at nanay sa apat niyang anak, hindi naging madali ang pag-aaral ni Yorlin noon sa TESDA. “Ma-hirap pero ‘pag ginusto mo, maraming paraan.” Desidido si Yorlin na tapusin ang kanyang mga kurso. Naisip n’ya rin na makatutu-long ang pag-aaral niya ng Massage Therapy courses para sa paralisado niyang ama.

Nakatapos siya at nakakuha ng mga National Certificate noong Oktubre 4, 2017. Sa kasamaang palad, ilang araw lamang ang nakalipas, pumanaw ang kanyang ama noong Oktubre 9. Siya ang naging pangunahing motibasyon ni Yorlin upang matapos ang mga kurso kaya naman lubha niyang ikinalungkot ang nangyari.

Ngunit hindi nawalan ng pag-asa ang ginang. Ipinagpatuloy niya ang paghihilot para sa kanyang pamilya. Naging isa siyang on-call massage therapist sa Oriental Hotel Bicol at pinagpatuloy ang pag-aaral bilang isang Hilot Wellness Massage NC II trainer.

Nobyembre 2017 nang makatapos siya sa kanyang Trainers Methodology I. Dahil sa kanyang kakayanan, kasalukuyan siyang nagtuturo sa Mayon International Career (MIC) Skills Development and Training Center, Inc. sa Legazpi City, Albay at sa Sainte Trinity Academy sa Sorsogon City. Nauna na rin siyang naging project-based trainer sa Eastern Sunrise Training Institute (ESTII), Inc. sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Patuloy na hinihimok ni Yorlin, lalong lalo na ang kanyang mga bata pang estudyante na kumuha ng mga libreng pagsasanay sa TESDA sa ilalim ng mga Scholarship Training Programs dahil malaki ang naitulong ng mga ito sa kanya.

“Kung ano ang mga ibinibigay ng TESDA na mga pa-training, i-grab lang natin, lalo na ng mga kabataan. Sa TESDA naman, ‘di ka mag-aaral nang matagal. Pagkatapos mo ng ilang linggo, puwede ka nang magtrabaho.”

Si Yorlin ay isang patunay na ang TESDA ay para sa lahat. Wala ring pinipiling edad o antas ng edukasyon ang pag-asenso dahil sabi nga niya, “kapag ginusto mo, maraming paraan.”

Comments are closed.