CALOOCAN CITY – ARESTADO ang limang hinihinalang drug personalities kabilang ang isang babae at 17-anyos na binatilyo sa buy bust operation ng mga pulis, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit head PCI Rengie Deimos ang mga naarestong suspek na sina Arnold San Fernando, 28, Nancy Bautun, 24, kapuwa ng Purok 2, Sapa, Brgy. 8, Ericson Ibañez, 45, jeepney driver ng 95 A Gen. San Miguel St., Sangandaan, Brgy. 1, Enrique Rosalida, 42, ng Julian Felipe Tupda Village at 17-anyos na binatilyo ng Bagong Barrio.
Batay sa imbestigasyon ni PO1 Aian-Jay Gamayon, dakong alas-11:45 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PCI Deimos ang buy bust operation kontra kay San Fernando at Bautun sa labas ng kanilang bahay.
Nang iaabot na ng mga suspek ang isang plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P200 sa undercover police na nagpanggap na buyer ay agad lumusob ang mga operatiba at inaresto ang dalawa kasama ang kanilang umano’y tatlong mga parokyano.
Narekober sa mga suspek ang limang plastic sachet na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu at buy bust money. EVELYN GARCIA
Comments are closed.