KUMUSTA na, ka-negosyo? Survival-mode pa rin ba tayo sa mga panahong ito? O nakakaungos na kahit paano. Sa mga Pinoy kasi, sanayan lang iyan hanggang sa makaalpas na sa krisis. Sa pitak natin ngayon, ilalarawan natin ang mga gawaing dapat nating gawin para lalo pang mapaangat ang negosyo mo sa susunod na taon. Karamihan kasi ng mga negosyo ngayon ay nasa panahon na ng pagpaplano para sa 2021.
Siyempre, ilang tambling na lang, Disyembre na kasi. Tapos, ayun, Bagong Taon na! Ano nga ba ang ginagawa ng mga matagumpay na kompanya sa mga ganitong panahon? Alam mo ka-negosyo, nanggaling na ako sa ilan sa mga malalaking kompanya na hanggang sa ngayon ay namamayagpag pa rin. Nanggaling din ako sa mga startup na ngayon, malaki na rin. Kaya ibabahagi ko sa inyo ang aking mga natutunan sa pamamagitan ng limang puntos sa pitak na ito. O siya, tara na at matuto!
#1 Iakma ang layunin ng negosyo ayon sa panahon
Sabi nga ng marami, ang mga layunin o goals ng negosyo ang siyang magsasabi kung magiging matagumpay ka o hindi sa hinaharap. Kasi, kapag mali ang layunin, at ‘di naiakma sa istratehiya, talo ang negosyo. Ang pinakasimpleng gawain ay ang pagsunod sa panahon ng iyong layunin sa susunod na taon. Katulad ngayong panahon ng pandemya. Wala naman talagang mag-aakala na hahantong tayo sa ganito sa 2020, ‘di ba? Nakaarangkada ka na siguro hanggang sa tumigil ang lahat noong gitna ng Marso. Boom! ECQ at lockdowns ang nangyari. Sa milyon-milyong naapektuhan ng pandemya sa loob lamang ng anim na buwan, bagsak agad ang ekonomiya at marami ang nawalan ng trabaho. Paano mo ba maiaakma ang layunin mo sa panahong kasalukuyan? Alam mo na ang health protocols, ‘di ba? Alam mo na ang lahat ay back to basics. Kaya iyan ang layunin mo rin. Ibalik ang lahat sa pinakasimpleng pagnenegosyo, gamit naman ngayon ang teknolohiya sa abot ng makakaya mo. Isang halimbawa ng layunin ay ang pagsisigurong magawa ang e-commerce website mo sa loob ng isang buwan at makaabot ng higit sa kalahati sa naging kostumer mo noong wala pang pandemya. Isa pang halimbawa ng bagong layunin na naaayon sa panahon ay ang pagkakaroon ng lubos na training ukol sa social media para sa mga tauhan upang makatulong sa pag-promote ng mga produkto mo sa social media. Marami pang puwedeng gawin na pihit sa layunin mo. Ang mahalaga, magsimula ka sa alm mong kakayaning magawa agad.
#2 Paggamit ng teknolohiya
Tandaan mo na ang teknolohiya ang siyang magpapantay-pantay ng mga negosyo lalo na sa panahon ng krisis kung saan lahat ay apektado. Maliit lamang ang team ko na nasa Manila na may patungkol sa serbiyong SEO dahil na rin ang mga blog ko ay nakatuon abroad. Nang magpandemya, dumami ang mga naging kliyente ko na kinakailangang serbisyuhan ng maliit na team ko sa Manila. Namili ako nang iba’t ibang teknolohiya upang makatulong sa mga gawain. Dahil dito, ‘di na ako nangailangan ng dagdag na tauhan maliban sa manaka-nakang pag-outsource. Malaki ang naitulong ng teknolohiya sa pagbawas ng trabaho. Ganoon din sana sa negosyo mo. Kung ano ang teknolohiyang makapagpapabawad ng trabaho upang mas importante ang gawin ng mga tao mo, mas ok. Magsimula ka sa pagsilip ng mga trabahong puwede naman palang isang software tool ang gagawa kaysa tao mo pa ang gagawa. Marami pa kasing bagay na puwedeng gawin ng mga tao mo. Ito ang mas magpapaangat ng lebel ng trabaho mo at lalakas ang negosyo mo.
#3 Mag-outsource ng ibang gawain
Kahit sino ka pa at gaano man kalaki ang negosyo mo, kapag dumarami na ang pangangailangan, ikonsidera mo ang pag-outsource ng trabaho. Ang pag-outsource ng trabaho ay iyong mga gawaing ‘di mo naman core na gawin. O kaya naman ay iyong alam mong malaking oras ang gugugulin at ‘di kakayanin ng mga tao mo na alam ang regular na sa trabaho. Hanapin mo ang mga gawaing dapat mo nang i-outsource. Ipaubaya mo ang mga gawaing mas kaya ng mga eksperto. Isang halimbawa ang SEO management na parte ng negosyo ko. Masalimuot at napakaraming detalye at gawain ang pag-SEO. Kaya naman sa amin ibinibigay na ngayon ng mga kliyente namin ang gawaing ito bilang outsource na kompanya nila. Bakit? Sa SEO kasi, bukod sa maraming gawain ang nakasalalay rito, nagbabago halos buwan-buwan ang mga algorithm ng Google. Madibdibang pagsasaliksik ang ginagawa rito bukod sa pagsusulat ng mga blog at artikulo na dapat ay umayon sa algorithm na nabanggit ko. Nakakakulta ng utak! ‘Yun din ang pagkakaalam ng mga kompanya ngayon, lalo na’t naglilipat na sa website ang tutukan ng digital marketing. Ikaw, ano ang mga gawaing dapat mo nang i-outsource?
#4 Pagpapatibay ng kultura
Ano ba ang kultura ng negosyo mo ngayon? Tinututukan mo ba ito ka-negosyo o ‘di mo na lang pinagtutuunan ng pansin? Naku, napakahalaga ng kultura sa isang kompanya. Ito pa nga mismo ang nagsasabi kung magtatagumpay ang isang negosyo o hindi sa hinaharap na maraming panahon. Ang kultura ng Facebook, halimbawa ay nakasalalay sa inobasyon ng mga tauhan. Mayroon silang motto na “Done is Better than Perfect.” Ano ba ang ibig sabihin nito? Sa mga kompanyanf nasa tech gaya ng Facebook, mahalaga ang mabilisang gawain. Kasi nga, laging may nakabuntot na kakumpitensiya. Kaya ‘di mo na raw dapat gawing perkpekto ang isang gawain dahil bago mo pa ito magawang perpekto, may mga bagong tech na nagawa. Kaya para sa Facebook, basta matapos lang, ok na, at tsaka na pagtuunan ng pansin ang mas perpektong gawain. Ang mga kultura na may kinalaman sa pagiging on-time, masinop, matipid at matapat ay ilan lamang sa mga maaari makuha ng mga katrabaho mo. Ikaw, anong kultura ang dapat mong i-level up pa at ipagpatuloy?
#5 Mga-coach o mag-mentor
Ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng pag-coach o pag-mentor ng mga tauhan ay isa sa pinakamahalagang gawain na magpapaangat sa isang negosyo. Bakit? Ang bawat tauhan sa kompanya mo ay may kakulangan o may angking talino na angat sa iba bunga ng haba ng eksperyensiya o ano pa mang dahilan. Ang pagkakaroon ng ganitong programa ay makatutulong nang malaki sa pag-boost ng morale at kaalaman sa buong negosyo mo. Subukan mo munang kausapin ang mga lider mo at i-train sila sa gawaing pag-coach. Sila ay ‘yung mga supervisor man o boss. Malaking bagay ito ‘di lamang sa paglago ng kaalalam nila, nagkakaroon pa ng mas matibay na relasyon ang mga tauhan at boss sa kompanya mo.
Konklusyon
Sa panahon ngayon ng pandemya, maraming challenge ang kinakaharap nating lahat. Simulan mo lang ng tamang unang hakbang bago ka sumipa sa mga istratehiya mo. Simulan mo sa tamang layunin kung saan mo gustong maipuwesto ang sarili mong negosyo sa 2021.
Sa panahon ngayon at kailan pa man, ang mahalaga ay laging kang magdasal at magtiwala sa Diyos na Siyang may tunay na hawak ng magagandang plano para sa iyong buhay. Sipag at tiyaga at ang maayos na relasyon sa kapwa ay pangalagaan lagi —anuman ang marating mo sa buhay.
Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang [email protected].
Comments are closed.