5 BAGAY NA MAGSASABING NASA TAMANG DIREKSIYON ANG NEGOSYO MO

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan. Unti-unti na pong binubuksan ang ating ekonomiya ng gobyerno. Subalit malaki pa ring banta ang COVID-19 sa atin sa buong mundo.  Marami ka na rin sigurong inumpisahan at ginagawa para sa negosyo at malamang, ‘di ka sigurado kung tama ba talaga ang direksiyon na tinatahak mo.  May mga ilang bagay na ibabahagi ko sa pitak na ito ngayon upang malaman mo kung nasa tamang hulog ang mga ginagawa mo upang maging matagumpay ang negosyo mo. O siya, tara na at matuto!

#1 Nagkakaroon ng trapik ang social media pages mo

Hindi naman agad nangangahulugan na ang popularidad ng social media page mo ay malaking benta, ang mahalaga, may nauumpisahan ka na. Ang pagpapakilala sa social media ay may kinalaman sa magiging benta mo. Kailangang gamitin mo ang pagkakataon na makapagbenta sa mga follower at liker mo. Ano naman ang gagawin mo sa pagkakataong may mga nag-pm, comment, react at share ng mga post mo? Analisahin mo ang mga sinasabi at reaksiyon nila. Tingnan mo kung may epekto ba ito sa iyong benta o wala. Tandaan mo na ang mga numerong makukuha mo ay makapagsasabi kung ano ang susunod na mga hakbang mo ukol sa produkto o serbisyo mo, at paano lalong mapapalapit sa kostumer ang negosyo mo.

#2 May natatanggap kang mga inquiries

Siyempre, kung may mga nag-inquire na sa iyo sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan, malaking puntos na agad ito. Ibig sabihin, kung ano man ang ginagamit mong istratehiya sa pag-market mo, epektibo ito. Ang epekto ng mga comment at share ng mga kostumer sa social media ay malaking puntos sa pagkuha ng mga inquiries mula sa mga kostumer.  Isang malaking hakbang tungo sa tagumpay ang pagkakaroon ng mga inquiries. Kaya naman ang susunod na gagawin mo ay ang maisara ang benta. Bawat inquiry at benta ay dapat tapatan mo ng maayos na customer service at after-sales service. ‘Yan ang magiging dahilan upang bumalik-balik sila sa iyo.

#3 Kumikita ka na

Lahat naman ng nagnenegosyo, benta ang habol, ‘di ba? Kaya malaking senyales ito na umuusad na ang negosyo mo. Ang tanong lang ay kung gaano na ba kalaki o kaliit ang benta at sa anong panahon. Ang mahalaga, may nakuha kang kostumer at sana, napasaya mo siya. Kaya ang agad na gagawin mo ay humingi ng feedback sa kostumer at kumustahin ang produkto o serbisyo mo. At tanungin kung ano pa ang maaaring gawin upang mas masiyahan pa sila sa susunod. Ang sa ganang akin, malaking bagay kung may sinasabihang ibang tao ang kostumer mo kung natuwa siya sa nabili niya sa iyo. ‘Yan ang tinatawag na “word-of-mouth marketing” na sa totoo lang ay walang maitatalang presyo.

#4 May mga nais mag-invest sa iyo

Kung may nais na mag-invest sa negosyo mo, gaya halimbawa ng pag-franchise, alam mong may tama kang ginagawa. Lalo na sa mundo ng franchising, ang kabuuan ng negosyo mula sa branding hanggang sa operasyon ay tinitingnan ng isang nais mag-invest sa iyo. Malaking senyales ito na may magandang direksiyon ang iyong negosyo at patungo ito sa tagumpay. Ano ang gagawin kung may mag-inquire na sa negosyo mo bilang investor or franchisee? Pag-aralan agad ang kabuuan ng ginagawa mo sa pagnenegosyo. Tingnan mo ang mga pagkukulang at kung saan ka nakaaangat. Tingnan mo rin ang ginagawa ng kompetisyon. Dahil kung may interesado sa negosyo mo, tiyak na titingnan nito ang kalaban mo. Ang mahalaga, patuloy kang magpabuti sa mga gawain mo. Tutok lang sa feedback ng mga kostumer at patuloy lang sa mga inobasyon.

#5 Positibo ang mga reviews mo

Kung dumadami na ang mga positibong reviews mo, malaking puntos na ito sa kabuuan ng nagosyo mo. Alam mong tama ang mga sistema at branding mo, at dumadami ang nakakakilala na sa iyo. Kapag naabot mo na ang patuloy na pagdami ng positive reviews, alamin agad ang dahilan ng kasiyahang naidudulot mo sa mga kostumer. ‘Wag lang bastang matuwa. Analisahin mo ang mga numero para alam mo kung ano ang tamang ginagawa at saan pa kailangang umungos. Huwag kang pakampante, ok?

Konklusyon

Mga ilang bagay lang ito na magsasabing nasa tamang direksiyon ka sa negosyo mo. Ang pagnenegosyo ay may halong hirap at saya. ‘Wag kang tututok lang sa hirap kundi sa saya na dulot nito dahil ngayon, ikaw na ang boss! Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang magtagumpay, ka-negosyo!



Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na [email protected] kung may mga katanungan.

Comments are closed.