5 BAGAY NA MATUTUTUNAN SA KANTANG “THE GAMBLER” NI KENNY ROGERS PARA SA NEGOSYO MO

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo? Nawa’y ok na ok naman kayo sa mgapanahong ito. Kapag nagluluto kasi ako, madalas akong magpatugtog ng mga klasikong kanta. Noong isang araw, nakahiligan kong patugtugin  ang mga kanta ni Kenny Rogers sa aking Google Assistant device. Isa sa mga kantang pinatugtog ko ay ang “The Gambler.” Noong kumakain na kami, pinatugtog ko ulit ang kantang ito at ninamnam ang mga bawat katagang isinalarawan ni Rogers.

Doon ko nalaman na may mga aral pala rito  na maaaring gamitin sa pagnenegosyo. Hindi po ang pagsusugal ang aral sa kantang “The Gambler” kundi ang pagsasalarawan ng isang propesyunal at ma-disiplinang taong kilala ang sarili kapag nasa laro ng sugal. Kaya heto at ibabahagi ko ang aking mga natutunan mula sa kantang ito. Tara at matuto!

#1 Halaga ng kaalaman sa pinasok mong negosyo

Sa kantang “The Gambler” ay may katagang binanggit doon na”If you’re gonna play the game boy, You gotta learn to play it right.” Sa madaling pagsalin, ang ibig sabihin lang nito ay kung maglalaro ka, dapat alam mo kung paano ito laruin. Simpleng pananalita, ngunit punom-puno ng aral, ‘di ba? Sa buhay at pagnenegosyo, dapat, mag-aral at matuto. ‘Di puwedeng papasok sa isang bagay na ‘di mo na nga alam, susugod ka na agad.

Kailangan, aralin mo ang iba’t ibang aspetong papasukin mo. Lalo na sa pagnenegosyo, ang pag-aaral at pagpaplano ay mahalaga. Kailangan mong pag-isipan ang iba’t ibang bagay na may kinalaman dito para ‘di ka masilat! Tama nga naman. Maigi ring humingi ng payo sa mga eksperto para mas maigsi na lang ang kailangang tahaking landas tungo sa kaalaman. Knowledge is power!

#2 Halaga ng pagsasaliksik

Sa pagnenegosyo, maging seryoso sa pagsasaliksik lalo na sa ginagawa ng mga kalaban o kakumpitensiya. ‘Di ka nag-iisa sa iyong industriya. Sa kantang “The Gambler” ay  binanggit na””Son, I’ve made a life, out of readin’ people’s faces, knowin’ what the cards were…” – kung saan inilarawan ang halaga ng pagkilala sa mga kasamang naglalaro sa lamesa. Ganito rin sa pagnenegosyo kung saan dapat kilalanin ang lahat ng negosyong nakapaligid sa kaparehong larangan.  Isa rito ay ang pagpapalawak ng iyong network. Kailangang makihalubilo sa mga taong nasa industriya mo.

Kilalanin sila at alamin ang lakas at kahinaan. Sumali ka sa mga organisasyong makakasalamuha sila. Bukod sa pagsasaliksik sa Internet, puntahan mo ang bawat Facebook page nila. Pag-aralan ang kanilang mga posts at kung ano-anong promo ang ginagawa nila. Minsan, maigi ring bumili mismo sa kanila upang malaman mo ang mga  proseso hanggang sa ma-deliver sa iyo. Kumustahin ang after-sales service nila. Tandaan mo na ‘di ka nag-iisa sa industriya at negosyong pinasok mo. Magsaliksik lagi. Kadikit ‘yan ng pag-aaral ng buong negosyong pinasok mo.

#3 Halaga ng tamang desisyon

Lahat naman tayong nagnenegosyo ay nangangarap na lumaki nang husto, at yumaman, ‘di ba? Kaso nga lang, minsan ay maaaring mabulagan ng maliliit na tagumpay at ‘di mapansin na nasa bingit na pala ng kamatayan ang negosyo. Sa kantang “The Gambler” ay sinabing “You’ve got to know when to hold ‘em, Know when to fold ‘em, Know when to walk away, And know when to run…” – kung saan pinahahalagahan ang tamang pagdedesisyon. Sa unang dalawang puntos na aking inilarawan, makikitang nakakonekta ito sa ikatlong puntos na ito.

Dahil kung napag-aralan mo ang bawat bagay sa iyong pagnenegosyo, dapat matuto ka ring magdesiyon ng naaayon sa kasalukuyang sitwasyon. Kapareho iyan sa larangan ng pag-invest sa mga stocks na alam mo kung hahawakan mo ito nang pangmatagalan o dapat mo nang ibenta, ‘di ba? Sa aking ekspiryensiya bilang investor sa iba’t ibang startups, matapos kong pag-aralan ang mga bagay-bagay, at nakapag-invest na ako, binabantayan ko ang takbo ng mga ito at kung maaari naman akong magbigay ng aking mga mungkahi ay ginagawa ko. Mayroon din akong mga pinag-investan ng startups na alam kong talo na ako. Kapag ganoon, puputulin ko na agad ang aking investment para ‘di na lumala ang pagkatalo ko. Ganoon lang  ‘yun kasimple. Kung may mga proyektong ‘di uunlad o aandar ayon sa mga numero, ihinto mo na.

#4 Halaga ng kaalaman sa mga tunay na numero

May mga kilala akong negosyante na lubos na ipinauubaya sa mga  accountant at CFO ang mga numero. ‘Di sila nakikialam at puro benta lang ang tinitingnan. Sa kantang “The Gambler” ni Rogers, sinabi rito na “You never count your money when you’re sittin’ at the table, there’ll be time enough for countin’ when the dealin’s done.” Para sa akin, mailalarawan dito ang pagbilang lamang ng benta at ‘di binibilang ang mga pinagkakagastusan sa negosyo. Isang halimbawa rito ay ang negosyong sari-sari store kung saan piso-piso ang kita ng mga ibinebenta mo. Kung nakukupitan ka ng pa-piso-piso rin, ‘di mo mamamalayang nalulugi ka na hanggang sa napansin mong ubos na pati puhunan mo. Kahit ‘di ka kupitan, kung ang bawat gastos na galing sa kita ay mas lumalaki na, matatalo ka talaga. Kaya ang simpleng payo ko ay ang pag-alam ng lahat ng patungkol sa kaperahan at ang mga mahahalagang numero  — operasyon, marketing, manpower, outsourcing, teknolohiya at iba pa. Huwag bilangin ang sisiw kung ‘di pa ito napipisa.

#5 Halaga ng pagiging mapagkumbaba

Sa “The Gambler” ay binanggit ang katagang “I found an ace that I could keep” kung saan ang ibig sabihin ay may napulot siyang aral dito.  Mahalaga ang bawat aral na ating nakukuha sa  iba’t ibang pamamaraan, ngunit ang mas mahalaga ay ang maging bukas ang ating kalooban at isipan sa mga aral. Kahit na maganda ang takbo ng iyong negosyo, maraming aral ang dapat pang matutunan upang mas umarangkada pa.

Kamakalian lamang ay nakipagkontak ako sa dating assistant ko noong nasa Magnolia pa ako, mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Isa na siyang senior at nakatira sa bahay ampunan ng mga matatanda. Ninanis niyang makapagsimulang muli na kumita nang mas malaki sana dahil malakas pa raw siya at maliit lang ang pension na kulang pa sa mga gamit niya. Nang simulan ko siyang i-mentor at napadalhan ng laptop at kung ano-ano pa, napagtanto ko na malaki ang nawalang panahon niya sa pag-aalaga sa ibang tao (care giver) at marami na siyang ‘di alam gawin ukol sa simpleng teknolohiya sa pag-aaral muli.

Mapagkumbaba naman niyang tinanggap ang realidad na ito. Tinanggap ko rin na malaking oras (at pera) ang gugugulin ko upang matulungan siyang makatayong muli. Ganoon din tayo dapat sa pagnenegosyo.  Dapat alam natin ang ating kahinaan at alam nating kailangan nating humingi ng tulong. Maging mapagkumbaba sa pagnenegosyo at mas lalago ito dahil  sa bagong kaalaman at tulong ng iba.

Konklusyon

Lahat tayo ay dadaan sa iba’t pagsubok sa buhay at negosyo. Laging tandaan na dapat bukas tayo sa pagbabago at handang mag-pivot kung kinakailangan.  Sa lahat ng bagay, kailangang maging masinop, matatag at magkaroon ng tiwala sa ating mga dasal.

vvv

Si Homer Nievera ay makokontak sa [email protected]

6 thoughts on “5 BAGAY NA MATUTUTUNAN SA KANTANG “THE GAMBLER” NI KENNY ROGERS PARA SA NEGOSYO MO”

  1. 459166 224485Up to now, you require to term of hire an absolute truck or van and will also be removal equipments to valuable items plus take a look at the new destination. From the long run, which end up with are few issues except anxiety moreover stress and anxiety. removals stockport 514273

Comments are closed.