5 BAGAY SA PAGTATAYO AT PAGLAGO NG NEGOSYO MULA KAY JOHN GOKONGWEI

homer nievera

KAMAKAILAN, halos magkasunod na yumao ang dalawang tinaguriang taipan sa pagnenegosyo na sina Henry Sy Sr. at John Gokongwei. Ang kanilang legasiya ay nananalaytay sa kanilang malalaki at matatagumpay na mga kompanya na maraming Filipino ang nakikinabang mula sa mga trabahong naibigay nito, at pati na rin sa iba’t ibang bagay.

Sa pitak na ito, ilalahad ko ang ilang tips na naiwan ni Mr. Gokongwei na siyang nagtayo ng JG Summit Holdings na nakilala sa mga brand na Robinson’s at Cebu Pacific. Tara!

Ang Pagsisimula ni Mr. Gokongwei

Literal na nagsimula si Mr. Gokongwei mula sa wala kung saan noong panahon ng giyera laban sa mga Hapon, naglako siya ng gulong at kung ano-anong bagay na maibebenta upang maitagu­yod ang pamilya sa murang edad na 13. Yumao kasi ang kanyang ama at nailit ang kanilang mga ari-arian at negosyo ng mga pinagkakautangan nila. Sa Cebu sila noon nakatira.

Wala siyang kamuwang-muwang sa negosyo, ngunit kailangan nilang bumangon kundi, sila’y magugutom.  Ang unang ginawa ng kanyang ina ay ipinadala sa Tsina ang mga kapatid niya dahil mas mura ang pamumuhay roon, habang si Mr. Gokongwei at ang kanyang ina ay gumawa ng paraan para matustusan ang pagbiyahe ng mga ito.

#1 May oportunidad sa sakuna

Noong nagsisimula si Mr. Gokongwei sa pagtitinda, panahon iyon ng giyera. Ayon sa kanya, naging malaking oportunidad ang ganitong uri ng sakuna dahil kahit na edad 15 lang siya, kaya niyang makipagsabayan sa mga mas matanda pa sa kanya (doble hanggang triple ang diperensiya ng kanilang edad!). Bakit? Kasi sa panahon noong ng giyera, lahat sila ay nasilat at nawala  ang lahat ng mayroon  sila noon. Pananampalataya sa Diyos at sa sarili lang ang mayroon sila.

Noong nagbibiyahe siya (tinedyer lang siya noon) sakay ng isang batel – na isang maliit na bangka pangkalakalan, tumama ito sa malaking bato at lumubog. Sa kagandahang-palad, ang nilalako noon ng batang John ay mga gulong na dadalhin niya noon sa Maynila. Dahil doon, nailigtas nito ang mga kapwa biyahero at pati na ang kanyang mga panindang gulong.

#2 Kasama ng tagumpay ang sakripisyo

Noong natapos ang giyera, edad 19 na si Mr. Gokongwei. Ang ekonomiya noon ng Filipinas at ng iba pang bansa na dumaan sa giyera ay umaasa sa mga importasyon dahil na rin sa nasira ang industriya ng paggawa (manufacturing). Sumali na si Mr. Gokongwei sa naturang larangan kung saan nag-angkat siya sa Estados Unidos ng mga tira-tirang tela, prutas, damit at mga lumang babasahin. Ang kagandahan daw noon ay nakapagsusuot siya ng magagarang damit sa panahong nanliligaw siya sa mapapa­ngasawang si Elizabeth.

Ang negosyo ng importasyon ng mga bagay-bagay ang nagpasimula upang umangat ang kanyang pagnenegosyo. Ito na rin ang naging paraan upang mapauwi niya ang kanyang mga kapatid para mag-aral at makatulong sa pagnenegosyo. Gaya ng mga tradisyonal na Filipinong Tsino, nagtatrabaho sila bilang bodegero, kahera, at lahat ng puwedeng maging trabaho ng magkakapamilya. Tumira sila noon sa isang dalawang palapag na apartment na siya ring naging bodega nila. Pati raw amoy ng mga nabubulok na prutas at gulay ay kasama sa araw-araw nilang pamumuhay.

#3 Tumingin sa hinaharap at paghandaan ito

Nang matapos ang giyera, nakita noon ni Presidente Quirino na kinakailangang bawasan ang ang mga importasyon upang makatipid sa palitan ng dolyar at piso. Naisip ni Mr. Gokongwei na kung ganoon, sa katagalan, apektado ang halaga ng kanyang mga paninda. Kaya naman nag-isip na siyang lumipat sa negosyo ng paggawa o manufacturing.

Ang nakita niyang oportunidad ay sa larangan ng paggawa ng cornstarch o harinang gawa sa mais. Alam ni Mr. Gokongwei na marami siyang mapagkukunan ng mais dahil sa galing siyang Cebu at ma­rami nito sa Negros noong mga panahong iyon.  Nagtayo siya ng planta sa paggiling ng mais. Nakita rin niya na ang harinang mais at glucose ay mahalaga sa industriya ng tela, papel, ice cream, beer at gamot. Tama nga siya sa kanyang bisyon kaya umangat ang industriyang ito.

Nakita rin niya ang paglago ng kanilang negosyo ay mas aangat pa kung lalagyan niya ng branding ang kanilang mga negosyo na noon ay nasa larangan na ng kape, tsitsirya at kendi. Tumama na naman si Mr. Gokongwei dahil ang mga brand na Blend 45, Maxx at Jack n’ Jill ay kilala natin.

#4 Alagaan ang integ­ridad

Noong nagbabalak si Mr. Gokongwei na tumungo sa manufacturing, alam niyang kailangan ng malaking kapital para makipagbanggaan sa mga malalaking kompanya na noon ay namamayagpag. Pumunta siya noon sa China Bank na pinamumunuan noon ni DK Chong bilang president at ni Dr. Albino Sycip na noo’y Chairman ng bangko. Pinautang siya noon ng kalahating mil­yong piso kahit pangalan lang ang tanging mayroon noon si Mr. Gokongwei.

Sa mga nagdaang taon, nang tanugin si Dr. Sycip kung bakit niya pinautang noon si Mr. Gokongwei, sinabi niya na nakita niya sa kanya ang sinseridad at integridad.

Sabi nga ni Mr. Gokongwei sa isang interbyu sa kanya,  tila mas may alam si Dr. Sycip ukol sa kanya kaysa siya mismo.

#5 Maging matapang sa pagharap sa kahit na anong bagay sa buhay

Nagsimula ang buhay negosyo ni Mr. Gokongwei sa harap ng trahedya sa murang edad. Kaysa malugmok, buong tapang niya itong hinarap. Mara­ming pagkakataong hinarap pa ni Mr. Gokongwei ang mga hamon sa buhay at negosyo kaya naman siya ay nagtagumpay.

Noong lumaban sa pababaan ng presyo ang mga mas establisyadong manufacturer at multinational laban sa kompanya niya, nanaig pa rin sila dahil sa buong tapang nilang hinarap ang labanang ito at ‘di natinag. Lumaban sila sa larangan ng kalidad at relasyon sa mga kliyente. Sabi rin ni Mr. Gokongwei – paano kung nanatili lang siya bilang manufacturer ng cornstarch, maaabot kaya nila ang tagumpay nila ngayon? Kung hindi sila nag-invest sa iba’t ibang negosyo, lalago ba ang interes nila sa negosyo?

Pagtatapos

Sa isang interbyu, naibahagi ni Mr. Gokongwei ang ilang bagay sa ‘di lamang puro salita kundi kanya mismong isinabuhay para magtagumpay sa negosyo. Ito ay ang pagkakaroon ng integridad, sipag at tiyaga, pagiging masinop, at ang pagkilala at pag-angkop sa pagbabago.

Sabi ni Mr. Gokongwei, dapat buo ang loob mong mangarap nang malaki.

Kaya bilang isang entrepinoy, kilalanin ang kakayahan mong mangarap at harapin nang buong tapang ang kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pana­nampalataya sa Diyos.

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].

Comments are closed.