5 MARKETING TIPS SA PANAHON NG KRISIS

homer nievera

KUMUSTA ka naman, ka-negosyo? Sana naman ay nasa mabuti at ligtas kang kalagayan. Sa panahong ito ng COVID-19 pandemic,  walang kasiguraduhan ang  maraming bagay. Sa totoo lang, lahat nang naiplano mo noong isang taon at ang pagsasagawa ng mga planong iyon ay naiwalang-bahala mo na, ‘di  ba?

Ngunit sa mga ganitong panahon din ng krisis lumalabas ang mga magagandang ideya. Ang problema na  lang ay paano ito maisasa-katuparan, lalo  na sa larangan ng pag-market.

Dapat kasing maging sensitibo ka sa merkado  na iyong ginagalawan.

O siya, tara na at matuto!

#1 Magpatupad ng CSR – Corporate Responsibility Program

Ang pagkakaroon ng mga programang CSR ay akmang-akma sa mga panahong tulad ng COVID-19 pandemic. Maraming tao ang nangangailangan ng tulong. Ang akala kasi ng iba, wala silang maitutulong, ngunit malayo ito sa katotohanan. May magagawa ka.

Noong nagdeklara ng lockdown sa Luzon, bumuo kaagad ako ng isang Facebook Group na tinawag na #StayStrongPh. Ang CSR na aspeto nito ay ang pagkakaroon ng paglilinang sa mga impormasyon ukol sa pandemic at sa lockdown. Marami kasing kakalat na mga maling impormasyon kaya  naman para sa maayos na daloy ng impormasyon, ginawa ko ito.

Ang nangyari sa mga sumunod na araw at linggo ay ang pagkakaroon ng bayanihan. Maraming mga kompanya at mga simpleng tao ang nagpahayag ng kanilang mga tulong na nakita sa FB Group na naitayo ko at sa iba pa. Dahil din dito, ang mga brand gaya ng Glorious Blend Sugar-free Coffee, Domino’s Pizza, Unilab, San Miguel Corporation at pati na ang organisasyong MFC Singles ay umangat. ‘Di man lantaran ang platapormang marketing dito, naging epektibo ang pagpapalabas ng kanilang mga brand. Nakatulong na sila, nakapag-marketing pa. Siguraduhin lang na lehitimo rin ang sasalihang grupo para ‘di masalinan ng masamang branding.

#2 Maging Pangunahing Panggagalingan ng Tamang Impormasyon

Sa panahon ng kahit na anong krisi, ang paglalabas ng tamang impormasyon ay susi sa branding. Bilang isang marketer, ang iyong kompanya o brand ay dapat na maging pangunahing panggagalingan ng impormason ukol sa iyong produkto o serbisyo. Isang halimbawa ay ang ginawang pahayag ng Green Cross Alcohol ukol sa maling paggamit ng kanilang produkto na nagkalat  sa social media kung saan ipinangha-halo umano ang bleach sa kanilang 70% isopropyl alcohol, na delikado pala  sa balat ng tao. Nagawang ikalat ng Green Cross ang tamang impormasyon bago pa masalinan ang kanilang brand ng pekeng impormasyon.

Gamitin mo ang social media bilang boses ng iyong kompanya  o brand sa pagpapakalat ng tamang impormasyon. Ang ganitong istratehiya ay umuukol sa tamang pag-market mo at bumubuong mas matibay na pundasyon sa iyong brand habang ang iyong kakumpetensiya ay ‘di pa makapuntos sa harap ng krisis.

#3 Unahin ang Kapakanan ng Mga Tao – Kostumer man o Empleyado

Alam ng San Miguel Corporation na ang sambayanang Filipino ay kanilang kostumer,  lalo pa’t napakalaki ng negosyo nito sa larangan  ng pagkain. Kaya naman kaysa gumastos sila ng pera sa patalastas, ibinuhos nila ang budget nila rito sa donasyon ng milyon-milyong halaga ng pagkain at iba’t ibang klase ng pag-ayuda.

Sa totoo lang, sa mga panahong ito ng krisis, sino-sinong malalaking pangalan sa larangan ng pagkain

ang iyong naaalala? Sigurado akong kasama rito ang kompanyang San Miguel kung saan madalas pa itong nababanggit ni PRRD mismo, ‘di ba?

Kahit huwag mo nang isiping may kinalaman din ito sa istratehiyang tinatawag na PR o relasyong pampubliko. Ang isipin mo ay ang ba-lik nito sa San Miguel ay ang lubusang pagtangkilik  sa mga produkto nito pagkatapos ng krisis. Tama ba?

#4 Maging Personal

Ang isang istratehiyang pang-marketing ay ‘di gagana kung wala rito ang kahit na anong patungkol sa mga tao na siya mismong kos-tumer  mo rin.

Sa panahon ng krisis, nararapat na maging personal ang mensahe mo sa kahit na anong plataporma, lalo na sa social media. Tandaan mo na ang social media ay ang pangunahing platapormang pang-komunikasyon mo. At dahil dito, kailangang maging masinsin sa pagkilatis ng iyong mga mensahe.

Ang pokus mo dapat ay ang pagsasaayos o pagbuo ng komunidad na yayakap sa iyong kompanya man o brand. ‘Di mo naman  kailangang bumuo ng sarili mong kampanya. Ang pagsakay o pagsuporta sa mga mas organisadong kampanya ay makakahalo sa reputasyon ng iyong brand.

Mas magpokus ka kung paano mo maipararating ang iyong mensahe sa mga personal na pamamaraan gaya ng sa Facebook Messenger kung saan kaya mong gawing “first name-basis” ang pagsagot sa mga tanong. Ganoon din dapat ang pagtutuunan mo ng pansin. Gamitin mo rin ang email marketing para rito.

#5 Maging Lider sa Pagpapalaganap ng mga Ideyang Makatutulong sa Pag-Angat ng Sitwasyon

Tandaan mo na sa kasalukuyang sitwasyon, ang ating ekonomiya  ang ganap na tatamaan. Sa mga estimate ng mga ekonomista, swerte na ‘di maging negatibo ang tinatawag na growth rate natin.

Sa ganyang sitwasyon, ano ang dapat pangunahan ng iyong negosyo  upang mas mapaganda ang ekonomiya? Kung ano man iyon, ang mahalaga ay pangunahan mo ito. Maging iisang lider sa  pagkakataong ganito.

Halimbawa, bumuo ka ng grupo ng mga kapwa lider mula sa iba’t  ibang uri ng pagnenegosyo at

bumalangkas ng mga plano upang  makatulong sa pagbawi ng bansa sa lagay ng ekonomiya.

Puwede rin ang may kinalaman sa pagpaparami halimbawa ng mga quarantine facility  o ang mga paraang magpoprotekta sa mga  frontliner.

Ano man iyon, dapat nasa harapan ka at ‘wag iyong susunod lang sa  mapagkakayarian ng ibang mga lider.

Konklusyon

Kakaiba talaga ang sitwasyon ngayon. Ngayon lang talaga ako dumaan sa ganitong pagkakataon at sisiguraduhin kong ‘di ako basta  makikiusyoso lang. Magiging produktibo ako at aktibong tutulong  sa kahit na anong maliit man o malaking pamamaraan.

Sa lahat ng bagay, patuloy kang magdasal at manalig sa Diyos.

oOo

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang [email protected].

Comments are closed.