KUMUSTA, ka-negosyo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan.Tuloy-tuloy na po tayo sa 2021 at malamang excited na rin kayo sa pagsalubong sa bagong taon.Sa mga paghahanda natin, kailangan din nating ikonsidera ang pagtitipid at pagbawas ng gastusin sa susunod na taon dahil hanggang walang malinaw na bakuna, nandiyan pa rin ang virus na dala ng pandemya natin. At kung ganoon, tiyak na marami pa ring balakid sa pagne-negosyo. Narito ang ilang paraan para makatipid ka sa startup o negosyo mo sa susunod na taon. O, ano, tara na at matuto!
#1 Pag-isipan ang kasulukuyang opisina
Kumusta ba ang opisina mo ngayon? Kung nagbawas ka ng mga tauhan o kaya ay nag-work-from-home na sila o karamihan, baka naman dapat mo nang bawasan ang sukat na kailangan mo? Baka kailangan mo nang lumipat sa mas maliit na opisina na tiyak na mas makakatipid ka sa renta. Kung mas maliit pa ang kailangan mo, baka mas ok kung makipisan ka na lang sa isang shared office space? Sa isang negosyo ko kasi, naka work-from-home na lahat. Kaya walang kailangang pisikal na opisina, kundi isang address na lang. Sa totoo lang, ‘yung nakarehistrong address ng aming negosyo na ito ay nag-umpisa sa isang virtual office na setup. Kahit lumaki na ang operasyon namin, ‘di na namin ito binago. Kaya mas madali nung mag work-from home na lahat kasi walang ibang gagawin pa. Ang mga virtual office ay humigit-kumulang sa 2,000 pesos kada buwan, na may kasama nang tagasagot sa mga tawag, fax number, at iba pa. May kasamang meeting room din ito na libreng 4 na oras kada buwan. ‘Di nga lang namin ito nagagamit talaga dahil Zoom na ang mga miting namin. Ikaw, ano ang dapat pagdesisyunan ukol sa opisina mo?
#2 Mag-outsource
Sa panahon ngayon, mas mainam na mag-pokus lang sa mismong gawain kung saan eksperto ka at ipaubaya sa ibang tao o grupo ang mga ‘di mo naman lubos na kakayahan. Iyan ang nadiskubre ko bilang entrepreneur – na ‘di ko kayang gawin ang lahat. Una rito ay ang accounting. Agad namin itong nai-outsource. Sumunod naman ang paggawa ng graphics. Dahil manunulat kami, mas nag-pokus kami dito. Siyempre pati ang paggawa ng video ay nai-outsource na namin. Mas matipid ba ang mag-outsource? Iisipin mo muna ang kalidad ng trabaho mo kung ikaw lahat ang magpupumilit gumawa ng lahat ng bagay. Tapos, kung gugugulin mo ang lahat ng oras at pagod sa mga bagay na makagagaan ng isipan at kalooban mo, mas magtatagumpay ka. Ang maganda naman dito ay mas kalkulado mo ang halaga ng mga bagay-bagay. Madali naming ipasok sa costing ang mga nai-outsource mo, ‘di ba? Bukod dito, wala kang iisipin pang iba patungkol sa responsibilidad mo bilang nag-eempleyo.
#3 Kumuha ng mga Freelancer
Ang taong 2020 ay kung kailan dumami ang nag-freelancer dahil nawalan sila ng trabaho dahil sa pandemya. At dahil dito, mas dumami ang suplay ng mga taong maaaring magamit bilang freelancer sa mas murang halaga. Kapareho ng pag-outsource, ito naman, ‘di kompanya ang kausap mo kundi iisang tao sa bawat gawain na kailangan mo. Isang halimbawa ay ang videographer o events coordinator sa mga kasal. Karamihan diyan, may ibang trabaho bukod sa gawaing ito. Eksperto sila sa mga piling gawaing ito at ikaw ay hindi. Bukod doon, ‘di naman pangmatagalan ang gamit sa kanila, kaya ‘di mo naman sila kailangang ma-empleyo, ‘di ba? Ganoon kasimple. Kaya sa 2021, abangan ang mas marami pang trabahong kayang gawin ng mga freelancer. Nakatulong ka na sa ekonomiya ng kompanya mo, nakatulong ka pa sa pamilya ng iba.
#4 Gumamit ng mga libreng tools
Anong mga libreng tools ang maaaring gamitin ng isang starup na negosyo? Unang-una, dahil karamihan naman ng tao ngayong kasalamuha mo sa negosyo ay nasa Internet, ‘di ba mas mainam ay nasa cloud na rin ang mga tools mo? Halimbawa dito ay ang paggamit ng Google Docs, Google Sheets, at iba pa. ‘Di mo na kailangan pang i-save sa hard drive o flash drive ang mga files mo dahil nasa cloud na naman. Libre ‘yan, ‘di ba? Isang tip. Kailangan mo ba ng backup ng mga email mo? Gumamit ka ng Yahoo Mail kasi 1gb ang kapasidad nito – at libre rin! Ang paghahanap ng mga libreng tools na ma-download mo ay nasa Internet na lahat. Basta ang mahalaga ay mas gagaan ang trabaho mo at mas makatitipid ka. Pagtuunan mo ng pansin ang mga gawaing mas mapapagaan ng iba’t ibang tools, ok? ‘Wag pahirapan ang sarili, gumamit ng tools, Malaki man o maliit, o virtual man o hindi.
#5 Mag-aral ka
Sabi nga ni Ernie Baron, “Knowledge is Power!” Hanggang ngayon, ang kasabihang ‘yan ay ginto. Maraming libreng kurso ngayon at libreng training. Saliksikin ang mga ito dahil malaki ang maitutulong ng bagong kaalaman sa negosyo mo. Sa kalaunan, makikita mo na ang mga bagong kaalaman mo ay makatutulong sa pagiging episyente ng operasyon mo at iba’t ibang aspeto kung saan ka mahina ngayon. Huwag kang papayag na mauungusan ng iba dahil lang sa masipag silang mag-aral at mag-training.
Konklusyon
Ang pagtuon mo ng pansin sa pagtitipid at pagiging episyente ng startup mo sa 2021 ay mahalaga. Ang impact nito ay sa kabuuan ng iyong negosyo at maaari mong dalhin hanggang sa paglago nito.
Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makakaranas ng pagsubok. Tuloy lang!
Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak sa [email protected].
Comments are closed.