5 SIMPLENG TIPS PARA MAIBSAN ANG EPEKTO NG KRISIS SA NEGOSYO MO

homer nievera

KUMUSTA na, ka-negosyo? Ligtas ba kayo ng iyong pamilya at katrabaho? Tandaan ang safety protocols natin na pagsuot ng mask nang tama, paghuhugas ng kamay, at social distancing. Kailangan natin ang mga iyan sa  panahon ng pandemya, ok? Narito tayo ngayon sa halos ika-anim na buwan ng quarantine. Ang biro nga ng marami, mareregular na raw tayo, haha. Pero ‘di biro ang mahigit 16 porsiyento ng pagbagsak  ng ekonomiya dahil sa dalawang magkasunod na quarter tayong nag-negative growth, ibig sabihin nito ay nasa recession na  tayo. ‘Di ito magandang pangitain.

Pero dahil nga sa tagal ng ating pananatili sa bahay, dapat na nating tanggapin na ito na nga ang magiging  bagong normal na buhay natin. Ang epekto sa ating kabuhayan ay gayon na lamang kaya siguro naman, may mga naiisip ka nang mga paraab para makabawi, ‘di ba? Dagdagan ko na lang ang inyong kaalaman sa pamamagitan ng pitak na ito. O siya, tara na at matuto!

#1 Pivot na, ka-negosyo!

Makailang ulit ko nang nababanggit ang salitang pivot sa mga nakalipas kong pitak mula nang magsimula ang mga quarantine at lockdown. Pero uulitin ko ito ngayon. Ang pag-pivot ay ang pagpihit o pagliko ng iyong negosyo. Ang dating alam mo sa pagnenegosyo ay tapos na – lumipas na. Kaya ang unang gagawin ay ibahin ang iyong pag-iisip sa mga dati nang nakagawian. Huwag  mon ang lingunin pa ang mga nakaraan mong tagumpay dahil tiyak na iba na talaga ang pagnenegosyo sa ngayon at sa  hinaharap. Paano mag-pivot? Simulan mo sa sarili mo. Bumangon ka sa katotohanang iba na ang mundong  ginagalawan natin. Saliksikin ang mga makabagong paraan ng pagnenegosyo at pakikipagsalamuha sa kostumer. Tandaan ang mga safety protocol. Mag-aral ng ecommerce. Diyan ka magsimula.

#2 I-update ang iyong Business Plan

Ito ang pagkakataong mai-update na ang business plan mo. Ang bawat negosyo ay nagsisimula sa isang  plano at kinakailangan mo na itong ayusin nang naayon sa sitwasyon, ‘di ba?  Ano-ano nga bang bahagi ng business plan ang dapat mong i-update o baguhin? Parang lahat. Ganito. Tingnan mo ang merkadong ginagalawan mo. Kung may pisikal kang outlet, malamang bagsak na rin ito. Dahil na rin sa halos kalahati lang ng mga tao ang nasa labas at may mga safety protocol din na ipinatutupad, saan ka man nakapuwesto.Kung nagsara ka na ng piskial na outlet, home-based na rin  siguro ang negosyo mo. Iayon mo na ang business plan mo dito. Pati rin kung paano maaabot ang mga kostumer mo. Kung may datos ka ng kanilang email mo, ano pa mang digital na  datos, mas maigi. Mas madalas ka na rin sigurong gagamit ng social media. Teka, kumusta naman pala ang website mo? Kasi ito ngayon sng pinakamahalagang paraan para makilala ka at maging legit ka sa mga panahong ito. Tsaka mo na isunod ang iba pang bagay kasi inga digital na ang mga tao ngayon. ‘Di sapat ang social media, ok?

#3 I-update ang impormason ukol sa negosyo mo

Kung babaguhin na lang din ang business plan, pati na rin ang lahat ng impormasyon ukol sa negosyo mo ay i-update mo na rin. Dahil nga malamang, puro ka online, sa lahat ng puwede mong  kontak sa kostumer ay ipaalam mo ang  lahat ng bagong impormasyon. Kasama na rito ang bagong menu (kung pagkain ang negosyo mo), price list (dahil may delivery ka na), at ibang pang produkto o serbisyo na maaaring mawawala na rin sa iyo, gawa ng makabagong protocols. Kung magbabago na rin ang line-up ng mga katrabaho mo, siguraduhing i-update na rin ang mga impormasyon ukol dito.

#4 Makipag-ugnayan sa mga kostumer

Dahil nga ‘di mo na makikita nang personal ang lahat ng kostumer, siguraduhing makipag-ugnayan sa kanila sa kahit na anong pamamaraan. Ang pinakasimpleng pamamaraan upang makapagkonekta pa rin sa mga kostumer ay sa social media. Kung mayroon  ka nang mga social media pages o accounts, makipag-ugnayan ka sa kanila. ‘Yung mga regular mong posts ay dapat ayusin mo na rin nang naaayon sa panahon ngayon.Kung alam mo ang mga email nila, mas mainam ito.

#5 Gumamit ng teknolohiya

Maraming bagay ang nagagawa na ngayon nang mas mabilis at mas maayos sa pamamagitan ng teknolohiya. Ang negosyo ko ay nakasalalay sa mga blogs ko na buong mundo ang nakakabasa. Kaya namana ako’y bumili ng isang plataporma na nag-iskedyul ng mga social media posts ko nang isahan. Nakatipid ako ng isang tao na gagawa nito. Gayundin ang pagkuha ko ng platapormang magpapadala ng email sa mahigit 60,000 na nasa listahan ko. Marami pa akong nabili sa panahong ito na magpapadali ng aking trabaho at magpapalaganap pa ng aking merkado.Kung anuman ang sa tingin mong kayang ma-automate ng teknolohiya, pag-isipan mo na at desisyunan agad. Ang negosyong maagap ay mauunang umungos sa mga panahong ito.

Konklusyon

Umpisa pa lang ito ng mga dapat mong gawin sa panahon ng krisis. Kung nais mo ng mas masinsin na diskusyon, email mo lang ako, ok? Sa panahon ngayon at kailan pa man, ang mahalaga ay lagi kang magdasal at magtiwala sa Diyos na  Siyang may tunay na hawak ng magagandang plano para sa iyong buhay. Sipag at tiyaga at ang maayos na relasyon sa kapwa ay  pangalagaan lagi– anuman ang marating mo sa buhay.

oOo

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang [email protected].

Comments are closed.