ARESTADO ang anim katao kabilang ang limang estudyante at tatlo sa mga ito ay menor matapos makuhanan ng ilegal na droga sa Caloocan City.
Sa report ni Caloocan Police Community Precinct (PCP) 7 PLt Ferdinand Espino kay City Chief Deputy for Administration PLtCol Ferdie Del Rosario, nagpapatrolya ang mga barangay tanod ng Brgy. 162 na sina Melvin Ramos at Maricel Bonita sa Cleofer St. nang mapansin nila ang isang grupo na halos pawang menor na gumagala sa naturang lugar.
Sinita ng mga tanod ang mga suspek na kalaunan ay nakilalang si alyas Mark, 18, estudyante, at tatlo pang estudyante na edad 15 hanggang 16-anyos dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar.
Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nasa 4.6 grams at isang improvised clear glass pipe na may bahid ng sunog na dahon ng marijuana na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito.
Dakong alas-10:15 naman ng gabi nang makatanggap ng tawag ang PCP-7 mula sa concerned citizen hinggil sa umano’y nagaganap na transaksiyon ng ilegal na droga sa Camp 69 St, Brgy. 162.
Nang respondehan nina PCpl Jestonie Torre at Pcpl Ailer Maceda ay naaktuhan ng mga ito si alyas Marvin, 23, estudyante; at Bryan Saligumba, 29, driver na nagtatransaksiyon ng ilegal na droga na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito.
Ayon kay PLT Espino, narekober kay Estoce ang isang plastic na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na nasa 2.32 grams habang nakumpiska naman kay Saligumba ang walong plastic sachets ng pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang sa 12.83 grams. VICK TANES
Comments are closed.