LA UNION – BUKOD sa away politika may dalawang anggulong tinututukan ang La Union Provincial Police Office sa pananambang sa mag-amang Mayor at Vice Mayor ng Balaoan, ito ang inihayag kahapon ng awtoridad kasunod ng pahayag na may mga person of interest na silang tinututukan hinggil sa kaso.
Ang nasabing pahayag ay kasunod ng pagkaka rekober nang sasakyan na hinihinalang sadyang inabandona sa bahagi ng Barangay Nadsaag sa bayan ng San Juan, na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa pag-ambush na ikinamatay ni Balaoan Vice Mayor AlFred Concepcion at ikinasugat ng anak nitong si Mayor Aleli Concepcion.
Sa update na ibinahagi ni Sr. Supt. Ricardo Layug, La Union police chief, tatlong angulo ang kanilang sinusundan sa kasalukuyan, kabilang dito ang hidwaan sa larangan ng politika, personal na away o banggaan sa negosyo.
Sinabi pa ni Layug na apat hangang limang suspek ang kanilang tinututukan kung saan umaasa itong makikilala ng isa sa mga nasugatang pulis ang apat na gunmen.
Ayon kay Chief Silverio Ordinado Jr., kasalukuyang information officer ng La Union Police Provincial Office, kumpirmado umano ang nasabing sasakyan ay ang ginamit na getaway vehicle ng apat hanggang limang suspek.
Batay sa kuha ng closed-circuit television footage sa isang paaralan kung saan dumaan ang Toyota RAV 4 na color gray at walang plate number, tugma ito sa deskripsiyon ng mga nakakita kung saan bumaba ang apat na armadong suspek.
Samantala, nasa mabuti na aniyang kalagayan si Mayor Aleli Concepcion sa isang pagamutan sa San Fernando City habang nasa ibang pagamutan naman ang iba pang biktima.
Tinambangan ng mga hindi pa kilalang armadong kalalakihan ang sasakyan ni Mayor Aleli at ama nitong si Vice Mayor AlFred Concepcion na binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital. VERLIN RUIZ
Comments are closed.