5 TIPS PARA MALAMAN KUNG ANONG NEGOSYO ANG PAPASUKIN SA 2020

homer nievera

MAGSISI­MULA na naman ang bagong taon at tiyak na kahit paano, nag-iisip ka na namang magnegosyo. Ilang taon ka na bang nagbaba-lak magsimula? Hirap ka bang magdesisyon o hirap ka lang mamili?

Narito ang ilang tips upang makatulong sa iyong desisyon at sana,makapagsimula na rin talaga sa 2020. Tara na!

#1 Saan ka ba na­lilinya?

Madalas itanong ko ‘yan sa mga nag-iisip na magnegosyo at ‘di alam kung saan at paano magsisimula.

May kilala akong dating nagtatrabaho sa kompanya na nagsusuplay ng koryente. Kinuha niya ang inihain ng kompanya na early retirement. Dahil bata pa naman siya at may ilang taon pang puwedeng magtrabaho, sumagi rin sa isip niya na pa­sukin ang pagnenegosyo. Wala siyang kasanayan sa pagnenegosyo dahil isa siyang ganap na inhinyerong pangkoryente at pagtatrabaho lang ang alam niya.

Ngunit nalaman niyang may mga kontraktor na nagsuplay ng iba’t ibang uri ng serbisyo. Nagka-interes siya rito at nag-apply. Nakakuha  siya ng maliit na kontrata hanggang lumaki na ito. Ngayon ay  ganap na itong negosyo.

Ang kanyang kasanayan ang naging kuwalipikasyon niya bilang Electrical Engineer na naging lamang niya sa ibang kontraktor. Siyempre, na-katulong ang pagkakakilala  niya sa mga dating  kasamahan sa trabaho. Iba rin  kasi ang naidudulot ng relasyon sa pagnenegosyo  dahil mas magaan ang usapan.

Kung linya mo lang din naman, bakit ‘di ‘yun ang umpisahan mo?

#2 Nasaan ba ang puso mo?

‘Di dahil linya mo ay ok na gawing negosyo. Minsan kasi, nagsasawa ka naman doon kaya naghahanap ka ng isang negosyo na ikatutuwa  mo at ‘di ‘yung dating trabaho mo.

Hanapin mo rin  ang passion mo sa isang bagay. Kung nasaan kasi ang puso mo, gagawin mo ito nang ‘di iniisip na trabaho ito.

May kilala akong mahilig sa potograpiya at paggawa ng video.Kahit nagtatrabaho siya sa isang call center, makikita mo sa kanyang  mga post sa so-cial media na may kakaibang galing siya sa larangan ng potograpiya at video.

Isang beses siyang napakiusapang humawak ng potograpiya at paggawa ng video para sa kasal ng kaibigan. Maganda ang naging resulta  nito na maraming nag-inquire kung puwede niya ring gawin ito para sa ibang mga event ng mga ka­kilala at kaibigan ng mga ikinasal. Dumami pa ang mga nag-inquire hanggang sa iniwan na niya ang trabaho sa call center.

Ngayon, ganap na itong negosyo dahil sinunod lang niya ang kanyang puso — o passion.

#3 Baka naman gusto mo munang maging imbestor?

Matagal akong na­ging salesman sa iba’t ibang negosyo at industriya.Ito ang naging susi ko sa pag-uumpisa ng negosyo. Nagamit ko ang skill na ito pati na rin ang ilang koneksiyon  para makapag-umpisa.

Nang maglaon, naimbitahan na rin akong mag-invest sa mga startup. Dito na naiba ang istilo ng aking pagnenegosyo.

Madalas kasi nasa board of directors ako at naging adviser sa mgapinag-investan ko. Ito na ang naging isang bahagi ng aking pagnenegosyo.

Kaya naman kung ‘di ka naman magiging aktibo sa pagnenegosyo sa kahit  na anong paraan, maaari ka naman maging investor.  Ang kita rito ay sa iba’t ibang paraan. Maaaring hintayin  mo ang exit kung saan tutubo ng  ilang beses ang ipinasok mong pera o kaya’y nagpapautang  ka lang at sa interes ka kikita.

Kung ganito ang nais mong istilo ng pagnenegosyo, simulan mo nang  magsiyasat at maghanap ng mga startup na puwede mong pag-investan.

#4 Puwede ka ring mag-ahente

Kung nalilinya ka sa sales o mahilig kang magbenta ng kung ano-ano, ang negosyo ng pag-aahente ang para sa ‘yo.

Ilang mga kaibigan ko na ngayon ang matagumpay sa iba’t ibang lara­ngan mula insurance at real estate at sa pag-aahente ng mga negosyo mismo. Iniwan nila ang kanilang mga tila magagandang trabaho para maging ahente. Kalaunan, gaya na rin ng ibang negosyo, lumago ang ang mga ito dahil sa sipag at tiyaga.

#5 Puwede ka ring magsimula sa online

Ang karamihan ng mga milenyal na negosyante ay nagsisimula sa mga online na negosyo. Ito na kasi ang nakakasanayan ng henerasyong  ito na uri ng pagbebenta at pamimili. Kaya kung nais mong magsimula ng iyong negosyo, diyan  mo gawin.

Mula sa Facebook, Instagram, Lazada at Shoppee pa lang, maaari mo nang subukan ang pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagbebenta online.

Ang kailangan mo lang para magsimula ay ang mag-isip ng ibebenta. Maghanda rin ng mga pambalot at iba pang pangangailangan  na requirements ng mga online marketplace gaya ng Lazada at Shoppee.

Dapat Tandaan

Ang pagnenegosyo ay ‘di birong gawain. Para ka na ring magtatrabaho sa isang kompanya  ngunit ikaw na mismo ang may-ari kaya lahat ay kaya mong gawin dapat.

Sa lahat ng bagay, ipagdasal ang iyong mga desisyon sa araw araw.

o0o

Si Homer Nievera ay isang serial technopreneur at maaari siyang makontak  sa email niya na [email protected].

Comments are closed.