MAY alok na 50 percent discount ang transport company UBE Express sa overseas Filipino workers (OFW) na tutungo o magmumula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay UBE Express president Garrie David, ito ang paraan nila ng pasasalamat sa OFWs na patuloy na nag-aambag sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng ipinadadala nilang pera sa kanilang mga pamilya.
Ang mga OFW ay maaaring magparehistro online sa website ng UBE Express, subalit tinatangap din ang walk-in passengers.
Ang mga OFW na nakarehistro lamang sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang makakakuha ng diskuwento at kailangang ipakita ang kanilang ID sa bus staff.
Ang promosyon ay solusyon din sa transport problems at scams sa NAIA kung saan kadalasang nabibiktima ang mga OFW.
Ang mga ruta ng UBE Express ay kinabibilangan ng NAIA to/from PITX, Sta. Rosa, Araneta City Cubao, Ayala Malls South Park, Robinsons Place Manila, Robinsons Galleria, Victory Liner Pasay.
Ang pamasahe ay mula P50 hanggang P300, hindi pa kasama ang 50 percent discount.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz III, hindi nawawala ang transport scams sa NAIA, at ang mga bus ay maaaring maging magandang alternatibo.
Aniya, may mga kolorum, o yaong mga sasakyan na walang prangkisa na bumibiyahe sa airport.
“‘Yan po nangongontrata at ‘yan ho ang aming binabantayan ngayon,” ani Guadiz.
Nagbabala rin si OWWA administrator Arnell Ignacio laban sa taxi scams, lalo na sa mga nambibiktima ng OFWs.
“‘Yung mga nagbibigay ng sakit ng ulo at sama ng loob sa ating mga OFWs, sinasabi ko sa inyo, ipagpatuloy niyo ‘yan, kayo ang bibigyan namin ng sakit ng ulo at sama ng loob sa kakasingil ninyo ng mahal sa mga OFWs,” ani Ignacio.