SARANGANI – UMABOT sa 53 rebeldeng New People’s Army (NPA) na sumuko sa pamahalaan ang tumanggap ng tulong pinansiyal at pangkabuhayan mula sa programang Enhance Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno.
Kasabay nito, ang pag-arangkada rin ng programang Ronda Probinsiya Alang sa Kalinaw ng tanggapan ni Sarangani Representative Ruel Pacquiao kung saan personal itong dumalo at namahagi ng dagdag na ayuda para sa mga dating rebelde.
Inihayag ni Lt. Col. Ronaldo Valdez, commander ng 73rd Infantry Battalion ng Phil. Army, sa ilalim ng ECLIP ay tutulungan na makapagbagong buhay ang mga rebeldeng nagsisuko sa pamamagitan ng tulong pinansiyal at pangkabuhayan na siyang programa ng lokal na pamahalaan.
Nakatanggap ng kabuang P65,000 bilang livelihood assistance at pinansiyal na tulong ang mga rebel returnee habang tumanggap din ng dagdag na ayuda mula kay Senador Manny Pacquiao kabilang na ang mga kagamitan sa pagsasaka, isang sakong bigas, relief goods at karagdagang tulong pinansiyal.
Nabatid na karamihan sa rebel returnees ay dating miyembro ng NPA Guerilla Front 71 (Tala) ng Far South Mindanao Region na sumuko sa militar sa mga bayan ng Alabel, Malapatan, Malungon at Glan simula noong Enero 2020. MHAR BASCO
Comments are closed.