MUNTINLUPA CITY – ISANG anim na taong gulang na batang babae ang sugatan matapos na ito ay tamaan ng ligaw na bala habang naglalaro Huwebes ng tanghali sa lungsod na ito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Lucille Villena at naninirahan sa 28 Ilaya St., Barangay Poblacion, Muntinlupa City.
Kasalukuyan ngayong ginagamot ang biktima sa Muntinlupa City Medical Center matapos na ito ay magtamo ng bala sa kanang leeg.
Sa pahayag ng Southern Police District (SPD) ang insidente ay naganap dakong 12:30 ng hapon sa tambak ng lupa ‘di kalayuan sa bahay ng biktima.
Ayon sa lolo ng biktima na si Leonardo Ruy, 60-anyos, umuwi ang bata sa kanilang bahay na umiiyak at hawak nito ang kanyang leeg na putuloy ang pagdaloy ng dugo.
Agad namang isinugod ni Ruy ang bata sa naturang ospital at nakita sa isinagawang x-ray ni Dr. Winston Cristobal na ang biktima ay nagtamo ng ligaw na bala sa kanang bahagi ng leeg nito.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng follow-up ang mga kagawad ng Muntinlupa City Police hinggil sa in-sidente. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.