Stags vs Bombers; Cardinals
vs Altas; Blazers vs Generals
Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
12 noon – EAC vs CSB (Men)
2 p.m. – Mapua vs Perpetual (Men)
4 p.m. – SSC-R vs JRU (Men)
SISIMULAN ng San Sebastian College ang kanilang kampanya sa pakikipagtipan sa Jose Rizal University sa 95th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Pinangungunahan ng 1-2 punch nina RK Ilagan at Allyn Bulanadi, ang Stags ay determinadong gamitin ang kanilang natutunan sa kanilang off-season build-up sa 4 p.m. clash sa Bombers.
Mauuna rito ay maghaharap ang University of Perpetual Help System Dalta at ang Mapua sa alas-2 ng hapon, habang mag-sasagupa ang College of Saint Benilde at ang Emilio Aguinaldo College sa alas-12 ng tanghali.
Sa kabila ng pagkawala ni last year’s MVP Prince Eze dahil sa graduation, ang Altas ay nakahandang harapin ang lahat ng pag-subok upang makopo ang ikalawang sunod na ‘Final Four’ appearance.
Sisikapin din ng Blazers, na buo pa ang roster, na makasampa sa ‘Final Four’ makaraang mabigo noong nakaraang season sa kabila ng pagkakaroon ng winning record.
Nakatuon ang lahat sa San Sebastian dahil sa kanilang impresibong kampanya sa PBA D-League, salamat sa magandang ipinakita nina Ilagan at Bulanadi.
Subalit nababahala si coach Egay Macaraya na maaaring masyadong umasa ang Stags kina Ilagan at Bulanadi, dahil ang Recto-based squad ay may sapat na materyales para makasambot ng puwesto sa semifinals..
Para kay Ilagan, ito ang pagkakataon para makabawi makaraang makagawa ng pagkakamali sa kaagahan ng season noong nakaraang taon na nagresulta sa pagpapawalang-bisa sa unang dalawang panalo ng Stags dahil sa paglalaro sa labas ng liga.
Matapos ang 3-15 kampanya noong nakaraang taon, umaasa ang JRU na muling kikinang sa ilalim ni bagong coach Louie Gonzalez, na bago lumipat sa Mandaluyong-based school ay may brief tenure sa De La Salle sa UAAP.
Babandera sina MJ dela Virgen at Aaron Bordon para sa Bombers team na nagsisikap na makasabay sa pinakamahuhusay sa liga.
Ipaparada rin ng Cardinals at Generals ang kanilang bagong coaches upang buhayin ang kani-kanilang kampanya.
Sasalang si Randy Alcantara, isa sa key players sa back-to-back championships ng Mapua sa early 90s at multi-titled juniors coach, sa kanyang collegiate debut para sa kanyang alma mater, habang gagabayan ni Oliver Bunyi ang EAC side na naghahanap pa rin ng breakthrough Final Four stint magmula nang lumahok sa liga noong 2009.
Umaasa ang anim na koponan na samahan ang opening day winners San Beda at Lyceum of the Philippines University sa maagang liderato.
Comments are closed.