6 NA PULIS MAY SPECIAL PROMOTION

Rogelio Ca­surao

ANIM na pulis sa Caloocan City ang nakatanggap ng special promotion nang kanilang mailigtas ang anim na kabataan na hinostage noong Disyembre 2016.

Isang resolusyon ang inilabas ni NAPOLCOM Vice Chairman Atty. Rogelio Ca­surao na nag-aapruba sa promotion ng mga nasabing pulis.

Itataas ng isang ranggo ang mga sumusunod na mga pulis: PMSgt. Marlon Gelua; PCpl. Ernesto Albero; PCpl. Ferdinand Balanay; PCpl. Ruel Damona, Pat. Joseph Johnson Castillo at Pat. Esmail Sibayan na naka-assign sa Police Community Precint 6.

Ang promotion ng anim na pulis Caloocan ay batay sa naging rekomendasyon ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde.

Ayon naman kay Atty. Ca­surao, ang ipinakitang tapang at lakas ng loob ng mga pulis ay nararapat lamang bigyang pagkilala dahil sa ipinakita nilang katapatan sa pagganap sa tungkulin kahit pa ang buhay nila ang maging kapalit.

Naganap ang hostage ta­king noong Disyembre 8, 2016 nang rumesponde ang nasabing mga pulis sa Sto. Tomas Village sa Deparo, Caloocan North dahil sa pag-aamok at pamamaril ng isang lalaking nakilala sa alyas na Toto.

Doon ay nakabarilan ng mga pulis ang dalawa pang salarin subalit nabatid na may anim na kabataan ang ginawang hostage kaya agad nagkasa ang mga ito ng negosasyon na na­ging ugat naman ng engkuwentro dahil sa paghagis ng tear gas ng mga salarin.

Nagresulta naman ito sa pagkasawi ng apat na suspek at pagkakasabat ng iba’t ibang armas, bala, parte ng bala, ilegal na droga gayundin ng ­ilang mga drug paraphernalia. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.