SINIMULAN na kahapon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang 60 days nationwide road clearing .
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo M. Año , matapos ang walong buwang suspensiyon bunsod ng COVID-19 pandemic ay ipinag-utos na ipagpatuloy na ang nakalatag na nationwide road clearing maliban lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) at sa mga lugar na nanatiling lubog pa sa baha.
“The road clearing operations are needed to ensure orderliness as we revive local economies without being complacent against COVID-19. Our transition to the ‘new normal’ calls for the need to ensure that our roads remain safe, accessible, and free from illegal and potentially hazardous encroachments,” ani Año.
“Bagaman patuloy ang serbisyo publiko at mga inisyatibo para manumbalik ang sigla ng ekonomiya, buhay at kalusugan pa rin ang pinakamahalaga. Panatilihin ang disiplina sa pagsusuot ng face mask at face shield, i-sanitize ang mga kamay at dumistansya ng isang metro sa bawat isa,” paalala pa ng kalihim.
Dahil dito, pinaalalahan ng DILG ang lahat ng LGUs na sumunod sa pina-iiral na health safety protocol sa pagsasagawa ng road clearing.
Alinsunod sa DILG Memorandum Circular (MC) No. 2020-145, ang mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) ay kailangang maipatupad ng husto ang pagpapaluwag at pagpapalinis ng mga lansangan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.