NASA 50 hanggang 60 Pilipino pa ang naiipit sa bakbakan sa Sudan kasama ang kanilang mga employer at asawa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Cortes, nais nang lumikas ng naturang mga Pinoy para sa kanilang kaligtasan.
“May nakausap tayong isang kababayan, gustong umuwi na. Nandoon siya sa employer nila. Ang gagawin natin kakausapin natin ‘yung employer nila para pakawalan sila,” ani Cortes.
“Siguro natatakot ang employer na kapag pinakawalan ay may mangyayari sa kanila but we will assure itong mga employer natin na pag umalis sila sa kanilang poder, kargo na ng Philippine government… ang security ng mga kababayan natin,” dagdag pa niya.
Tiniyak naman ni Cortes ang pagtulong sa mga Pilipinong naiipit sa girian sa Sudan bagama’t sarado ang mga bangko roon.
“We will find our way, perhaps through our honorary consulate na magbigay ng ayuda sa kanila. Pag-aaralan natin kung paano ‘yan,” aniya.
Samantala, nasa 474 Pilipino na ang pinauwi mula sa Sudan, at dalawang batch pa ang nakatakdang dumating ngayong linggo.