UMAPELA ang dalawang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gumawa ng kaukulang hakbang para gawing ‘regular’ na sa kanilang trabaho ang nasa 657,679 job orders at contract service workers ng gobyerno.
Sa ginawang pagtalakay ng lower house sa kabuuang P1.5 billion na panukalang budget ng Civil Service Commission (CSC) para sa susunod na taon, pinuna ni ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio ang malawakang sistema umano ng ‘job order at contract of service’ sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
“We know how job order and contract of service workers are being abused. They have no security of tenure. They are not being considered employees of the government. There is no employer-employee relationship with the government agencies which use their work,” sabi ng partylist lawmaker.
Bukod dito, ang ‘endo government workers’ ay hindi rin umano saklaw ng Salary Standardization Law na kadalasan ay mas mababa pa ang suweldo ng mga ito at hindi rin nakatatanggap ng ilang benepisyo kabilang ang pagiging miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS), PhilHealth at iba pa.
“They do not receive bonuses which are being received by regular government employees. And of course, they do not have job security or security of tenure. Time after time, they need to apply for the renewal of their contract,” dagdag pa ni Tinio.
Nabatid naman kay House Committee on Appropriations Vice Chairman at 1st Dist. Cebu City Rep. Raul del Mar, na siyang nagdepensa sa budget ng CSC, ngayong buwan ng Setyembre ay umaabot sa 458,787 ang endo government workers sa hanay ng local government units (LGUs); 127,752 sa national government agencies; sa government-owned and-controlled corporations (GOCCs) ay 33,045; sa panig ng state universities and colleges (SUCs) ay nasa 30,699; at 8,396 naman sa local water districts.
Sa ilalim ng panukalang 2019 budget ng Department of Health (DOH), binigyan-diin ng Cebu City congressman, na parte ng Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) ng ahensiya ay maglaan ang kagawaran ng P8 billion para sa regularisasyon ng ‘endo workers’ nito.
Binigyan-diin pa ni Del Mar na nakatakda ring magpalabas ng joint circular ang CSC, Commission on Audit (COA) at Department of Budget and Management (DBM) na hindi na magiging mahigpit ang pagpapatupad sa December 31, 2018 deadline para sa renewal ng kontrata ng ‘endo gov’t. personnel’.
Nagpahayag naman ng pagsuporta si 1st Dist. Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo sa apela na regularisasyon sa mga endo workers sa hanay ng mga kawani ng pamahalaan subalit naniniwala siyang kinakailangan ang pagkakaroon ng kaukulang batas para maisakatuparan ito. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.