7 DURUGISTA SAKOTE SA P35K SHABU

shabu

CAVITE – PITO katao na sinasabing durugista na nasa drug watchlist ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang anti-drug operation sa bahagi ng Barangay Carsadang Bago 2 sa Imus City, Cavite kahapon ng madaling araw.

Isinailalim sa drug test at physical examination bago dalhin sa detention facility ang mga suspek na sina Alan Alzaga y Lugo, 53, family driver, ng B40 L8 ACM Phase 4, Carsadang Bago 2; Leary “Badong” Belda y Ordonez, 34, electrician, ng #10 Alapan 1-A, Imus City; Glenn Rasco y Pena, 46; Jhoniel Tagnipez y Flores, 33, kapwa nakatira sa Garden Ville, Pag-Asa 2, Imus City; Dominador Salavarria y Salangoste, 51, ng Sarra Subd., Bayan Luma 3; Josefa Joy Gurdiel y Villanueva, 51; at si Evelyn Busta-mante y Canage, 39, kapwa nakatira sa Palaso 2, Carsadang Bago 2.

Sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, bandang alas-3:30 ng madaling araw nang isagawa ng Drug Enforce-ment Unit ng pulisya at PDEA 4A ang anti-drug operation sa bahagi ng ACM Phase 4 sa nabanggit na barangay.

Nabatid na bago isagawa ang drug operation ay isinailalim muna sa masusing surveillance ang mga suspek hanggang sa magpositibo sa drug trade.

Naaktuhan ang mga suspek na magkakasabwat na nagpapakalat ng droga kung saan hindi na nakapalag makaraang paligiran ng mga awtoridad.

Nasamsam sa mga suspek ang 11 plastic sachets na shabu na tumitimbang na 15.24 gramo at may street value na P35K kung saan isinailalim na sa chemical analysis bilang karagdagang ebidensya sa kasong paglabag sa RA 9165.   MHAR BASCO