720 BORA RESIDENTS NAGTAPOS SA SKILLS TRAINING NG TESDA

TESDA-BORACAY

NASA 720 manggagawa at residente na naapektuhan ng pagsasara ng Boracay Island ang nagtapos sa libreng skills training na inialok ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ang ‘Mass Graduation of TESDA Skills Training for Displaced Workers and Other Beneficiaries Affected by the Temporary Closure of Boracay Island’ ay idinaos sa Barangay Manoc Manoc Covered Court, Boracay Island noong nakaraang Oktubre 26, ang parehong araw na muling binuksan sa publiko ang sikat na holiday destination.

Ang isla ay isinara sa loob ng anim na buwan simula noong Abril 26, 2018 makaraang ipag-utos ni Presidente Rodrigo Duterte ang rehabilitasyon nito.

Nauna nang inilarawan ni Duterte ang isla bilang ‘cesspool’ dahil sa polus­yon,  overcrowding ng mga turista, tone-toneladang basura at iba pang environmental issues.

Pinangunahan nina TESDA Deputy Director General for TESD Ope­rations Alvin Feliciano, TESDA Aklan Provincial Director Joel Villagracia at ng iba pang lokal na opis­yal ang graduation rites sa Boracay.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Feliciano sa mga graduate ang tulong kung nais nilang magtayo ng sarili nilang negosyo matapos ang kanilang training sa tulong ng iba’t ibang ahensiya at financial institutions tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Landbank of the Philippines (LDP), at  Development Bank of the Philippines (DBP).

“Ang TESDA po ay hindi lamang nagbibigay ng training, bagkus kayo po ay tutulungan ng aming mga kasama rito sa TESDA para maiugnay sa mga naghahanap ng empleyado o trabaho, o trabahador na bago sa mga negosyo sa isla ng Boracay. Pangalawa, binanggit ko ang negosyo. Bakit? Ang TESDA po ay may pakikipag-ugnayan sa DTI, DSWD, sa DOLE, ‘yan ang mga ahensya na ‘yan ang tumutulong sa pagbibigay ng puhunan sa mga nagsitapos ng skills training sa TESDA. Kaya sa mga gustong magnegosyo puwede po kayong tulungan ni PD Joel na mai-refer para makakuha ng tulong pangkapital (utang) sa DTI, DSWD, dagdag pa rito ang LBP, at DBP para makasiguro na tayong lahat ay umangat dito sa gobyernong ito,” ani Feliciano.

Comments are closed.